Dahil sa kaniyang kagandahan, 14-anyos pa lang ay sumasali na sa beauty contest si Raizel, na mula sa Arakan, Cotabato. Pero noong 2019 na naging 16-anyos na siya, nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang hitsura at nagmukha na raw 50-anyos pagsapit ng 2021. Alamin kung ano ang nangyari sa kaniya.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, kapansin-pansin na kahit 16-anyos pa lang si Raizel ay kulubot na balat sa kaniyang mukha, leeg at katawan.

Nakararamdam rin daw siya ng pananakit ng likod kapag tumayo matapos ang matagal-tagal na pagkakaupo.

Ang kaniyang 36-anyos na ina na si Joela, hindi mapigilan na maiyak sa nangyari kay Raizel, lalo na kung sinasabihan siya ng mga tao na mas naging mukhang matanda pa sa kaniya ngayon ang anak.

Hindi rin maalis sa isip ni Joela kung ano ang mangyayari kapag lumaki pa anak na dating napakaganda ng hitsura.

Taong 2019 raw nang magsimulang makaramdaman ng kakaiba sa katawan si Raizel nang magkaroon siya ng pamumula o pagpapantal sa katawan.

Masakit at makati raw ang kaniyang naramdaman sa naturang pamamantal.

At mula noon, unti-unting nagbago ang kaniyang hitsura.

Kaya naman kahit wala pang pandemic, gumagamit na raw ng face mask si Raizel at balot ang kaniyang katawan para itago ang kaniyang hitsura.

Ngunit sa paunang pagsusuri ng dalubhasa kay Raizel, lumilitaw na nagtataglay ng pambirang kondisyon ang dalaga na kung tawagin ay "Progeria."

Ang naturang kondisyon ay nagpapabilis sa pagtanda ng katawan ng isang tao, at mayroon pa lamang umanong 200 dokumentadong kaso sa buong mundo.

May pag-asa pa kayang magamot si Raizel at maibalik ang bata niyang hitsura? Tunghayan ang buong istorya sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News