Hinahangaan ang isang 25-anyos na balut vendor na nagsumikap na mapagtapos ng pag-aaral ang sarili at ngayo'y engineer na sa Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Amianan, na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing mula sa pagiging balut vendor, board passer na ngayon sa Sanitary Engineering si Benny Jose Tomas.

Magsasaka sa Cagayan ang mga magulang ni Benny, na panglima sa siyam na magkakapatid.

"Sa family namin wala pa kasing nakapagtapos kaya ginusto kong mag-aral. Alam ko 'yung hirap nila roon sa Cagayan na paminsan-minsan hindi na rin sila nakakakain at wala silang ulam," sabi ni Benny.

Nakipagsapalaran si Benny sa Ilocos Sur at nag-aral sa University of Northern Philippines para makapagtapos.

Tinustusan ni Benny ang kaniyang sarili sa pagbebenta ng balut, na gumugugol ng dalawa hanggang tatlong oras para maibenta ang kaniyang paninda.

"Paminsan-minsan gusto ko nang sumuko pero thank God, hindi Niya ako pinabayaan," sabi ni Benny.

Plano ngayon ni Benny na magtrabaho sa Ilocos Sur at tulungan sa pag-aaral ang dalawang nakababatang kapatid. --FRJ, GMA News