Walang lihim na hindi mabubunyag dahil mahirap kalabanin ang konsensiya (Lucas 8:16-18).

ANG sabi ng ilan, ang mga manloloko daw ang pinakamabilis tumakbo sa lahat. Sapagkat kapag tinakbuhan ka ng taong nanloko, asahan mo na pati anino niya ay hindi mo na makikita.

Ngunit kahit gaano kabilis tumakbo ang taong ito, hinding- hindi pa rin siya makaliligtas at matatahimik kapag inusig na siya kaniyang konsensiya.

Dahil mahirap kalaban ang ating konsensiya o budhi. Hindi ka nito patatahimikin at lagi nitong ipapaalala ang kasamaan na ginawa mo sa iyong kapuwa.

Ganito ang mensahe ng ating Mabuting Balita (Lucas 8:16-18) nang ipahayag nito na, "Walang naitatago na hindi malalantad at walang lihim na hindi mabubunyag". (Lk. 8:17)

Maaaring maitago natin ang mga bagay na matagal na nating inililihim. Subalit kagaya nga ng kasabihan na, "Ang isang bulok, ipakatago-tago man ay sisingaw at sisingaw din."

Lahat naman siguro ng tao ay mayroon lihim o sikreto na itinatago. Pero ibang usapan kung ang lihim o sikreto ay may ibang taong kasangkot at naagrabiyado. Ito ang mga lihim na uusig sa ating konsensiya at dadalaw sa ating panaginip.

Mababasa natin sa Sulat ni San Mateo na maging si Haring Herodes ay hindi rin pinatatahimik ng kaniyang budhi. Alam niya kasi sa kaniyang sarili na siya ang nag-utos para mamatay si Juan na Tagapag-bautismo dahil sa kahilingan ng kinakasama nitong si Herodias, ang asawa ng kaniyang kapatid na si Philip. (Mateo 14:1-5).

Nang mabalitaan ni Herodes ang tungkol kay Hesus, inaakala niyang nabuhay muli si Juan na Tagapag-bautismo na pinapugutan niya ng ulo.

Samakatuwid, ayaw siyang patahimikin ng kaniyang konsensiya at budhi. Sapagkat alam niya na mayroon siyang mabigat na kasalanan na kailanman ay hindi niya maitatago at maililihim.

Sa kasalukuyang panahon, may mga saksi o sangkot mismo sa isang krimen ang lumalantad para magbigay ng kanilang testimonya o umaamin sa ginawa nilang kasalanan. At madalas natin nadidinig sa ganitong mga pangyayari ang katagang "konsensiya" ang nagtulak sa kanila para sabihin ang katotohanan.

Ang taong inuusig ng konsensiya ay hindi matatahimik hanggang hindi niya naitatama ang ating ginawa. Masarap matulog at mabuhay kung tahimik ang ating konsensiya.

Minsan sa katahimikan ay kinakausap tayo ng ating budhi. Ito ang tinig at kilos ng Banal na Espiritu, ito rin ang nagpapaalala sa atin ng ating masamang ginawa.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na hindi tayo dapat matakot na sabihin ang katotohanan dahil ang wika nga ng ating Panginoong Hesus, "Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa atin". (Juan 8:32).

"Makikilala ninyo ang katotohanan. At ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo".

Manalangin Tayo:  Panginoon, turuan Niyo po kaming maging tapat sa aming kapuwa. Sapagkat ayaw namin na makagawa kami ng masama sa kanila dahil batid namin na hindi kami patatahimikin ng aming budhi. AMEN.


--FRJ, GMA News