Dumami umano ang mga nabiktima ng "love scam" noong 2020 nang marami ang hindi umaalis ng bahay at panay lang sa social media dahil sa COVID-19 pandemic. Pero paano nga ba malalaman kung pinaglalaruan ka lang ng nakilala mo sa internet at huhuthutan ng pera? Alamin.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ibinahagi ng isang lalaki na itinago sa pangalang "Tino," ang naging karanasan niya sa babaeng tila na-"love at first sight" siya nang makita ang maganda nitong profile picture sa social media.
Lagi raw silang nag-cha-chat ng babae hanggang sa manghingi na ito sa kaniya ng perang pang-load, pambayad sa kuryente o pampagamot ng maysakit.
Pero nangduda raw si Tino nang sabihin ng ka-chat na may isinangla raw na lupa ang kaniyang ama at kailangan niyang tubusin.
Ayon sa isang pag-aaral, dumami ang "love scam" nitong COVID-19 pandemic.
"Love scam, just like any other scams online, ang pinagkaiba lang po nito, ang tinatarget 'yong emotional vulnerability ng mga victims natin," ayon kay Senior Agent Atty. Kristita Amores ng Cybercrime Division, ng National Bureau of Investigation.
Sinabi sa ulat na gumagamit ng pekeng account sa social media ang mga sangkot sa naturang panloloko. Maghahanap ng bibiktimahin na kanilang kakaibiganin, paiibigin, at kalaunan ay hihingan na ng pera.
Mayroon pa umanong mga scammer na nagpapanggap na dayuhan na naghahanap kunwari ng mapapangasawa. Pang-akit umano ng mga ito sa kanilang bibiktimahin na kunwaring magpapadala package o may retirement plans.
Dapat daw na magduda na o palatandaan ng "red flag" kung ang kausap sa chat ay ayaw magpakita kahit sa video call, at kapag nagsimula nang manghingi ng pera.
Sa kaso ni Tino, sinabi nito na hindi nagpakita sa kaniya ng mukha ang ka-chat na nanghingi sa kaniya ng pera.
Payo ni Amores, "Make sure na yung nakakausap natin sa social media o sa dating app, kilalanin po nating mabuti hindi lang through chat o call."
--FRJ, GMA News
