Dahil sa pagsisikap, nakaahon sa hirap at nagkaroon ng sariling negosyo ang isang dating factory worker sa Bulacan.
Sa programang "Pera-Paraan," sinabing patok na kainan sa Baliuag, Bulacan ang unli-chicken wings restaurant ni Ronell Igcasenza na Zab's Crib.
Pero bago naging matagumpay na resto owner, kung ano-ano munang trabaho ang pinasukan ni Ronell bilang panganay sa apat na magkakapatid, at para makatulong sa pamilya.
Kabilang dito ang pagiging factory worker sa pagawaan ng mga bintana at pinto na minimum wage lang ang kita niya noon.
Sa liit ng sahod, kung minsan ay nagpapaluwal pa raw sa kaniya ang kaniyang lola.
May iba pang raket na sinubukan si Ronell hanggang sa magpasya siyang subukang mag-apply bilang call center agent sa BPO industry.
Matapos ang 10 ulit na pagsubok, pinalad din siyang matanggap. Dito na siya nakapagsimulang makapagpundar at tuloy-tuloy na makatulong sa pamilya.
Nang mag-migrate na sa Canada ang isa niyang kaibigan, nagtiwala ito na ibenta kay Ronell at sa kaniyang pamilya ang restaurant.
Hindi mapigilan ni Ronell na maging emosyon kapag binabalikan niya ang hirap na pinagdaanan nila noon ng kaniyang pamilya.
"Kapag nire-recall ko po yung buhay namin noong araw, sobrang hirap talaga. Parang isang kahig-isang tuka kami noong araw," saad niya.
"Kaya ngayon po kapag nakikita namin yung sarili naming magkakapatid, mga nakatapos po ng pag-aaral, kasi nagtulong-tulungan kaming magkakapatid, parang ang sarap po sa pakiramdam," patuloy niya.
Mayroon 12 flavor ng chicken wings na matitikman sa Zab's Crib. Sa video ng "Pera-Paraan, alamin kung papaano ginagawa ang isa sa mga paborito ng mga tao ang honey garlic buttered chicken wing. Panoorin kung paano ito gawin.
--FRJ, GMA News
