Kahit naging mahirap, hindi sumuko ang "Born To Be Wild" team na marating ang isang mala-mystical island sa Southern Leyte na pinamumugaran daw ng mga makamandag na ahas sa gitna ng karagatan.
Maraming paniniwala o pamahiin ang mga mamamayan sa lugar tungkol sa naturang isla na Pelada Rock, o tinatawag na Batong Dako.
Kabilang na rito ang paniniwala na magkakaroon ng malalaking alon kapag nagambala umano ang mga naninirahan sa isla.
Gaya ng sinabi ng mga mangingisda, hindi naging madali sa "BTBW" team sa pangunguna ng host na si Doc Ferds Recio, ang pagpunta at pagtapak sa islang bato.
Dahil sa lakas ng alon at walang sadyang daungan ang mga bangka, pahirapan na makatapak sa isla ang grupo.
Maaari kasing masira ang bangka kung mahahampas ito ng malaking alon at tatama sa gilid ng matatalas na bato.
Pero sa halip na sumuko, nagpasya si Doc Ferds na maliit na camera na lang ang gagamitin at lalangoy na lamang sila papunta sa isla.
Ngunit bukod sa pahirapan ang pagtungtong mismo sa islang bato kung saan nasugatan si Doc Ferds, pahirapan din ang paglalakad o paghakbang sa mga batuhan dahil sa madulas.
Isama pa ang peligro ang posibilidad na matuklaw ng makamandag na mga ahas na nakatira sa isla--ang Banded Sea Krait snake o "Walo-walo."
Nakasiksik sa mga siwang ng mga batuhan ang mga ahas.
Ayon kay Doc Ferds, isa sa mga pinakamandag na ahas sa Pilipinas ang mga "Walo-walo." Gayunman, hindi naman daw agresibo ang mga ahas na ito pero posible silang mang-atake kapag naapakan o nakaramdam ng banta sa kanilang kaligtasan.
Ngunit bukod sa napakaraming ahas, may iba pang nadiskubre si Doc Ferds sa isla, na sinasabi rin ng mga tao na malaki ang natutulong sa kanila.
Kung ano ito, panoorin sa video ng "BTBW."
--FRJ, GMA News
