Hindi nangako ang Diyos ng paraiso kapag sumunod tayo sa Kaniya. Ang ipinangako Niya ay buhay na walang hanggan. (Mateo 10:16-23).

HINDI madali ang sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi rin ibig sabihin na kapag nagsisilbi tayo o sumunod sa Panginoon ay ligtas at libre na tayo sa mga pang-uusig at mabibigat na mga problema na maaaring dumating sa ating buhay.

Sapagkat hindi naman ipinangako ng Panginoong Diyos na kapag tayo’y sumunod, nanampalataya at nagsilbi sa Kaniya ay hindi na tayo makakaranas ng mga pagsubok sa buhay.

Hindi nangako si Hesus ng paraiso sa mga taong susunod sa Kaniya, o absuwelto na sila sa mga problema. Ang tanging ipinangako sa atin ng Diyos ay ang pagkakaroon natin ng “buhay na walang hanggan” kapag tayo ay nanalig sa Kaniya.

Mayroon akong kakilala na kung kailan nagbagong buhay at nagbalik-loob sa Diyos, doon pa siya nakaranas ng mas mabibigat na problema sa buhay. Kahit ang mga naglilingkod sa simbahan, hindi rin exempted sa mga ganyang suliranin.

Dapat nating maunawaan na ang mga problema ay sadyang dumarating sa ating buhay. Wala namang tao na ipinanganak na hindi nagkaroon ng problema. Kahit na si Hesus mismo ay nakaranas din ng matitinding pagsubok nang nagkatawang-tao Siya kahit pa Siya ang bugtong na Anak ng Diyos.

At ang lahat ng mga pagsubok na iyon at pagpapahirap sa Kaniya ay matapang niyang hinarap.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 10:16-23) na nagbabala si Hesus sa Kaniyang mga Alagad kaugnay sa mga pang-uusig na darating habang ipinapangaral nila ang Salita ng Diyos.

Ipinaalala ng Panginoon sa Kaniyang mga Disipulo na habang sila’y gumaganap sa kanilang misyon, mahaharap din sila sa iba’t-ibang klase ng problema. Hindi lamang basta problema kundi maaaring magiging mitsa pa ng kanilang buhay. (Mateo 10:17-18) 

Hindi naman hangarin ni Hesus na ipahamak ang Kaniyang mga Disipulo sa pagsasabi Niyang “isinusugo Niya ang mga ito na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat”. Ang nais lamang ipakahulugan dito ni Hesus ay hindi lahat ng mga taong makakaharap ng mga Disipulo ay mabubuting tao dahil marami rin ang masasama.

Sa ating modernong panahon, katulad din ng mga Alagad, may mga nakakasalamuha din tayong mga tao na ang akala natin ay mabait, maamo at anghel. Ngunit kapag hindi ka na kaharap ay kalaban pala.

Maging sa aking personal na karanasan, katulad ng winika ni Hesus sa Ebanghelyo, na kahit ang sarili mong pamily ay maaari mong makaaway, maaaring kapootan ka, at hindi mo makakasundo dahil sa pagsunod mo sa kagustuhan at Salita ng Panginoon. (Mateo 10:21-22)

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na sa pagsunod natin sa Panginoon, mahaharap tayo sa mga problema, at pag-uusig mula sa mga tao, maging sa sarili nating pamilya.

Gayunman, tinitiyak sa atin ni Hesus na sa harap ng mga problema, sa gitna ng mga pagkondena at pang-uusig sa atin ng mga tao, hindi tayo dapat mabahala sapagkat papatnubayan Niya tayo at ipagtatanggol. (Mateo 10:19)

Sa mga pagkakataong nangyayari ang mga bagay na ito sa ating buhay, maging matatag tayo sa ating pananampalataya at manalangin sa Diyos na sana'y tulungan Niya tayo sa mga mabibigat na pagsubok na pinagdadaanan natin.

Ang payo ng mga eksperto kapag dumarating ang mga pagsubok sa ating buhay ay tratuhin daw natin ito na parang isang bisita na darating at aalis din. Kung may pinagdadaanan sa buhay, daanan lang at huwag nating tambayan.

Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Mo po kami sa mga problemang kinakaharap namin sa buhay. Nawa’y gabayan Mo kami upang malampasan ang mga pagsubok, at mula rito'y mas lalo pa kaming tumatag at lumakas bilang isang mabuting tagasunod Mo. Amen.

--FRJ, GMA News