Marami ang natuwa sa jeepney driver na si Tatay Michael Kimuell dahil hindi niya sinisingil ng pamasahe ang mga pasaherong walang-wala. Pero sa kabila ng kaniyang pagiging mapagbigay, napag-alaman na may pangangailangan din pala siya tulad ng pambili ng gamot para sa kaniyang na-stroke na maybahay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 6:00 am nagsisimulang mamasada sa Maynila ang 61-anyos na si Tatay Michael.

Pero dahil na rin sa kaniyang edad at kalusugan, hanggang 1:00 pm lang siya namamasada upang masamahan din sa bahay ang kaniyang maybahay na na-stroke na si Nanay Francia.

Sa isang araw, kumikita si Tatay Michael ng P700 sa ilang oras na pamamasada. Pero sa naturang halaga, P200 lang ang matitira sa kaniya. Ibinabayad kasi niya bilang boundery ang P200 at napupunta naman sa gas ang P300.

Kaya kung minsan, hindi na sasapat ang naiuwi niyang pera kahit pambili ng gamot ng kaniyang maybahay.

“Hindi sapat 'yung kinikita ko para sa gastusin namin. Mahirap sa panahon ngayon, mahirap, dahil 'yung mga bilihin ngayon matataas na rin. Pagkain namin. 'Yung electric bill namin, tubig,” pahayag niya.

Batid ni Nanay Francia ang ginagawa ng kaniyang mister na maglibre ng pamasahe sa mga walang-wala.  Pero wala siyang tutol sa ginagawa nito kahit pa kung tutuusin ay kailangan nila ang bawat pamasahe na ibabayad.

“Natutuwa ako sa kaniya nakakatulong siya sa kapuwa niya. ‘Yun ang gusto niya e, makatulong,” masayang sabi ni Nanay Francia.

Taong 1990 pa nagsimulang mamasada ng jeepney si Tatay Michael. Natutuwa siya at nagpapasalamat dahil naitawid niya ang pag-aaral ng dalawa nilang anak na nagtapos na sa kolehiyo.

Nakatutulong na rin naman sa mag-asawa ang kanilang mga anak.

Naging viral sa social media kamakailan si Tatay Michael nang may mag-post ng isinulat niya sa  kaniyang sasakyan na listahan ng pamasahe at may kasamang: “Para sa walang-wala, TY (thank you) lang OK na.”

Kuwento ni Tatay Michael, ginawa niya ang listahan dahil natiketan siya nang maiwala niya ang taripa o fare matrix na mula sa LTFRB (Land Transportation Franchising Regulatory Board).

At habang isinusulat ang listahan ng singil sa pamasahe, naisip niya ang hirap ng buhay ngayon at marami ang posibleng walang pambayad ng pamasahe.

“Tutal mahirap pa rin ang buhay ngayon. Marami din ang medyo nag-1-2-3, walang pamasahe. Okay lang sa akin 'yun basta lagi lang mag-te-thank you,” paliwanag niya.

Isa sa regular na nakakalibre sa pamasahe kay Tatay Michael si Lolo Arnulfo na naghahatid ng pagkain sa kaniyang anak.

“Dinadalhan ko ng pagkain 'yung anak ko. Dahil nakakalibre ako malaking bagay na 'yun. Kahit papaano nakaka-menos ka,” ani Lolo Arnulfo.

Para matulungan si Tatay Michael, nagkaloob ng pinansiyal na tulong sa kaniya ang "KMJS." May kasama na rin itong gamot para sa kanila ni Nanay Francia.

Maging ang Manila City Health Office at City Social Welfare and Development office, may handog na tulong din sa kanila. Panoorin ang nakaka-inspire na kuwento ni Tatay Michael sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News