Pumanaw na ang Reyna ng Britanya na si Queen Elizabeth II sa edad na 96, na pinapalitan naman ng kaniyang panganay na anak na si Prince Charles, na tatawaging si King Charles III. Paano nga ba nagsimula ang kanilang pagiging Royal family?

Sa Need To Know, sinabing ang Royal Family ay daan-daan nang institusyon, na nagsimula bandang 827. Sinimulan ito ni King Ecgberht ng Wessex sa pagsakop sa mga kaharian.

Kalaunan, siya ang unang naging hari ng Inglatera.

Ngunit walang naging pagkilos sa line of succession noong 1600s. Kaya ipinasa ng kanilang parlamentarya noong 1701 ang Act of Settlement, na dapat muling magsimula ang royal lineage sa malayong kamag-anak ng hari.

Natukoy ito bilang si Sophia of Hanover. Ngunit pumanaw siya bago pa man makaupo sa trono. Kaya ang anak niyang si King George I ang naging hari noong 1714.

Kaya mula noon hanggang ngayon, lahat ng British monarch descendants ay nanggaling sa naturang bloodline.

Base na rin sa tradisyunal na batas ng succession, ang mga nakatatandang kapatid ang mauuna bago ang mga nakababatang kapatid, at inuuna rin ang mga anak na lalaki kaysa mga babae.

Pero noong 2011, ipinasa ng Parliament ang Succession to the Crown Act 2013, na nagsasabing hindi na magiging base sa kasarian ang pagluklok sa trono.

Naging reyna si Elizabeth noong 1952 matapos pumanaw ang ama niyang si King George VI.--FRJ, GMA News