Sa gitna ng dumaraming kaso ng krimen na kababaihan ang mga biktima, kailangan na laging handa para ipagtanggol ang sarili. Alamin ang mga ibinibentang tools na madaling dalhin at mga basic training para protektahan ang sarili.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Mav Gonzales, sinabing samu't sari ang self-defense tools na mabibili, gaya ng mga heavy-duty at pocket-size na gamit para itaboy ang kriminal.

Ayon kay Mae Paulino, staff ng Memory.ph, binubuo ng mga locally-made at imported na produkto ang kanilang ibinibenta para sa self-defense, kabilang ang baton, taser at brass knuckles.

Meron ding maliliit na item na hindi gaanong mapapansin ng mga kawatan pero epektibo, gaya ng 2-in-1 na ballpen at kutsilyo, at pepper spray na kasya sa bulsa.

Ang entrepreneur namang si Marvy Lizardo, gumagawa ng matatalas na key chain o tool na madali nang dalhin, stylish pa.

Sa halip na metal, gawa sa pinatigas na resin ang tool, na dinisenyuhan ng flowers, glitters at iba't ibang colored dyes para magmukhang kikay.

Maaari itong isabit sa bag, ID at cellphone, at puwede ring itago sa wallet.

Kung gusto namang matuto ng self-defense,  maaaring pag-aralan ang basic ng Krav Maga, isang uri ng martial arts mula Israel.

Alamin sa video ng "Dapat Alam Mo!" ang ilan sa mga technique o moves ng Krav Maga para makatakas ang babae sa kriminal kapag tinakpan ng kamay ang kaniyang bibig, at kung hinahatak siya sa braso. Panoorin.--FRJ, GMA News