Mahigit 30 taon na ang nakalilipas mula nang maghiwalay ng landas ang dating magkasintahan na sina Tatay Ben at Nanay Luli. Pero si Tatay Ben, umaasa pa rin na muli niyang makikita si Nanay Luli kaya binabalik-balikan niya ang dating bahay ng kaniyang TOTGA o the one that got away.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na mula sa Maynila, bumalik sa kaniyang bayan sa Guindulman, Bohol si Tatay Ben noong 2013.

Kapag napapadaan sa lumang bahay ni Nanay Luli, lagi niya itong sinisilip  sa pag-asang makikita niyang muli ang dating kasintahan.

Kuwento ni Tatay Ben, magkaeskuwela sila ni Nanay Luli noong kabataan nila. Matalino at maganda si Nanay Luli, habang inilarawan ni Tatay Ben ang sarili na sanggano at yagit.

Pero dahil sa dikta ng puso, niligawan pa rin ni Tatay Ben si Nanay Luli kahit marami siyang karibal.

Sa huli, nagbunga ang pagtitiyaga ni Tatay Ben dahil sinagot siya ni Nanay Luli.

Ayon naman kay Nanay Luli, na 65-anyos na ngayon, guwapo at matangkad si Tatay Ben. Pero aminado siya na hindi ito gusto ng kaniyang ina para sa kaniya.

Gayunman, sinagot pa rin niya si Tatay Ben dahil sa tibok ng kaniyang puso.

Hanggang sa isang araw, lumuwas ng Maynila si Tatay Ben at nawalan na sila ng komunikasyon ni Nanay Luli.

Nang mag-aral naman si Nanay Luli sa Maynila, muli silang nagkita roon ni Tatay Ben, at nanumbalik ang kanilang pag-iibigan.

Subalit naging panandalian lang ang kanilang kasiyahan. Dahil ipinagtapat ni Tatay Ben na mayroon siyang nabuntis na ibang babae.

Walang nagawa si Nanay Luli kung hindi ang magparaya. Itinuon niya ang kaniyang isip sa pag-aaral, at kinalaunan ay nagtrabaho.

Hanggang sa paglipas ng panahon, nagkaroon na ng kaniya-kaniyang pamilya sina Tatay Ben at Nanay Luli, at tuluyan nang naghiwalay ang kanilang landas.

Pero noong 2013, nabiyudo si Tatay Ben matapos pumanaw ang kaniyang kabiyak dahil sa stroke. Naisipan niyang bumalik sa Bohol, at doon na muling sinisilip ang lumang bahay ni Nanay Luli.

Hanggang sa makita na nga niya ang nakapaskil na contact number sa dating tirahan ni Nanay Luli na kaniyang tinawagan.

Kaagad na tinawagan ni Tatay Ben ang nakalagay na numero. Laking tuwa niya nang malaman niya na si Nanay Luli ang nasa kabilang linya at nasa Maynila ito.

Aminado rin si Nanay Luli na masaya siya na nakausap muli si Tatay Ben. At napagkasunduan nila magkita na muli nang personal kaya lumuwas pa-Maynila si Tatay Ben.

Magkaroon kaya second chance ang kanilang pagmamahalan o mauwi sa "hopia" ang matagal na paghihintay ni Tatay Ben? Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA News