Dahil sa kagustuhan na maging kutis-artista, naingganyo ang isang babae na bumili ng produktong nakikita niya online. Kumpara sa mga mabibili sa mga drug store at beauty shops, 'di hamak na mas mura ang nasa online. Pero sa halip na kuminis ang balat, disgrasya ang kaniyang sinapit.

Sa programang “Pinoy MD”, ikinuwento ng 39-anyos na si Joyce, ang palagian niyang pag-order online ng mga produktong pampaganda.

“Ngayon parang sobrang nakaka-overwhelm ang nakikita ko sa social media. Kapag nakita mong ginamit ngayon, after ilang days may resulta na. Tapos ngayon, parang sobrang abot-kamay ‘yung kutis-artist ba. Hindi kagaya dati parang kailangang gumastos ka ng malaki or mayroong mag-aalaga sa'yong dermatologist. ‘yun ang sinasabi before na para maka-achieve ka ng kutis-artista,” sambit ni Joyce.

Nang maimbitahan sa isang debut, gusto sana ni Joyce na rumampa suot ang pinatahing short dress. At para ma-achieve niya daw ang makinis na legs, isang peeling lotion ang binili niya online.

“Ang application niya, 3 days siya. 3 consecutive days mong gagamitin tapos ipapahid mo siya every night tatlong beses na may 15 minutes interval. So ginawa ko siya,” ani Joyce.

Sa una pa lang, nakaramdam na raw si Joyce ng hapdi sa parteng pinahiran ng peeling lotion. Pero ipinagpatuloy niya pa rin ang paggamit ng lotion.

Sa ikaapat na araw, imbes na pumuti at kuminis, tinubuan na ng napakaraming butlig at pantal ang binti niya.

“Puro butlig na siya. Ang dami-dami ng rashes tapos ang kati-kati at hapdi. Tapos ‘yung feeling ng legs ko para talagang namamaga. Parang sumali ba ako sa hazing? Parang ganon,” dagdag pa ni Joyce.

Nang makapag-pakonsulta sa dermatologist, lumabas na nagkaroon si Joyce ng allergic reaction o tinatawag na contact dermatitis sa ginamit niyang peeling lotion.

“Ang contact dermatitis is a kind of skin disease kung saan nagkakaroon ng pamumula, pangangati, pangangaliskis. Minsan nagsusugat o nagtutubig d’un sa area kung saan nagkaroon ang isang pasyente ng contact with an allergen. Kaya tinawag na allergic contact dermatitis. So, something that came into contact sa kaniyang skin which triggered an allergic response,” paliwanag ni Dra. Jean Marquez.

Dagdag pa ng doktora, madalas nangyayari ang ganitong sakit sa mga gumagamit ng mga produktong nabibili online.

Aniya, posibleng hindi dumadaan sa clinical study at hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang iba sa mga produktong nabibili online.

Kaya madalas, maaaring may taglay ito na matatapang na mga kemikal.

“The worst thing that could happen is sobrang kati niya to a point na nagsusugat at magiimpeksyon. So, I think that’s the worst thing that could happen. In some extreme cases, kung hindi nakontrol ang infection sa skin, puwedeng kumalat ang infection sa katawan,” diin pa ni Dra. Jean.

Ipinayo rin ni Dra. Jean na huwag basta magpapabudol sa mga pampaganda na nabibili online na hindi rekomendado ng doktor.

“You have to be sure if it’s FDA approved, or they have been proven to be safe and effective. And even if it’s effective, is it effective for you? Kasi could be effective for some, but it’s not effective for you,” giit pa niya.

Samantala, makalipas ang dalawang linggong pag-inom at pagpahid ng gamot na inireseta ng doktor, humupa na rin ang pamumula at pamamantal sa mga binti ni Joyce.

Pero nag-iwan ito ng tila maliit na peklat.

Pero ang legs niya na kung tutuusin ay makinis naman noon, imbes na gumanda ay kabaliktaran ang nangyari dahil sa paggamit ng peeling lotion.

“Napagastos siyempre… mga nasa P3,000 yata ang ginastos ko pero ‘yung binili ko sa product nasa 280 lang. Kaya mas mahal pa ‘yung pinang-pagamot ko,” sabi ni Joyce. --FRJ, GMA News