Batay sa isang datos, nangunguna umano ang Pilipinas sa Asya ng pagkakaroon ng mataas na kaso ng breast cancer. Halos 70 babae kada araw ang nakikitaan ng sakit na ito. Ano ang maaaring gawin para mapababa ang paglubha ng nakamamatay na sakit ? Alamin.

Sa programang “Pinoy MD”, sinabi ng Global Cancer Observatory, ang breast cancer ang pangatlong nangungunang dahilan ng pagkamatay ng Pilipino noong 2020.

Nangunguna rin ang Pilipinas sa Asya ng pagkakaroon ng nasabing sakit. Halos 70 babae kada araw ang nakikitaan ng breast cancer.

Gayunpaman, sinabi ni Dr. Norman San Agustin, oncologist at President and CEO ng Asian Breast Cancer, na kayang agapan ang breast cancer.

“Ang mga taong namamatay sa breast cancer is so tragic to die from the disease. That is 100% curable at an early stage. But kailangan magpatingin kayo. The longer you wait, the more difficult,” ani San Agustin.

Ayon pa sa doktor, mas mataas daw ang tiyansa na magkaroon ng breast cancer ang mga babae may “dense” o siksik na breast.

Nagiging dense ang breast depende raw sa edad at pagkakaroon ng anak.

Kaya payo ni San Agustin, dapat regular na nagpapasuri ng kanilang dibdib ang mga babaeng 35-anyos pataas para maiwasan ang sakit.

“Kung maka-ka-catch mo ang cancer they are premalignant, precancerous ang tawag nila doon. And there are many ways that I can teach you how to do that. ‘Yung lifestyle, ‘yung diet mo, activities, exercises, stress management, lahat,” paliwanag ng doktor.

“By doing that bababa ang chance mo instead of 1 out of 4 siguro hopefully it could be 1 out 10,20,30 people of women here in the Philippines ang magkakaroon ng breast cancer,” dagdag pa ng doktor.

Iginiit din ni San Agustin na mahalaga rin ang magpakonsulta sa tamang espesyalista at huwag maniwala sa mga haka-haka.

“Alternative treatment sinasabi nila yung mga Guyabano juice at vitamin C, nag-aaksaya kayo ng pera, nag-aaksaya kayo ng buhay,” aniya.

Alamin sa video ang kasagutan sa iba pang tanong tulad ng mga “myths” sa pagkakaroon ng breast cancer, at mga modenong kagamitan para maagang makita ang sakit nang maagapan kaagad. Panoorin. --FRJ, GMA News