Nakatawag ng pansin sa "Born To be Wild” ang isang aso sa Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa kakaibang kulay ng balat nito. Bukod sa tila naghahalo na sa buhangin ang kanilang katawan, makikita rin na ilan na lamang ang hibla ng kaniyang buhok at halos mabalot na ng sugat ng balat. Nakilala ang aso na si "Jordan," at hindi lang pala siya nag-iisa na may problema sa balat.

Sa “Born To be Wild,” ipinaliwanag ng host ng programa na si Doc. Nielsen Donato, na maaaring mayroong “mange” o isang parasitic skin disease si Jordan, isang aspin na walong-taong-gulang, pati na iba pang aso.

Alaga si Jordan ng isang residente sa coastal town pero hindi lubos na maipagamot.

“Jordan might be affected by two skin conditions. Puwedeng mayroong siyang mange. It could be sarcoptic mange or combination with the allergies,” sabi ni Doc Nielsen.

Ayon kay Doc Nielsen, ang buhok ng aso ang nagsisilbing proteksyon nila sa paiba-ibang panahon. Indikasyon din ito ng kanilang kalusugan.

Kung ihahalintulad naman sa mga tao, ang kondisyon umano ni Jordan  ay katumbas ng dermatitis o malubhang skin infection.

“A dog that has scabies, demodex o mange, malaki ang suffering nila. Hindi sila makatulog dahil maya’t maya, magigising, nagkakamot. Nginangatngat nila ang balat nila dahil napaka-kati nito. Kahit pakainin sila ng may-ari, namamayat sila because sleep is very important for dogs. If they cannot sleep, they can be malnutritioned dahil sa stress na nararamdaman nila,” paliwanag niya.

Kuwento ng nag-aalaga kay Jordan na si Jovel Mellapis, ilang beses na nila itong ginamot ngunit bumabalik ang sakit nito sa balat.

Hindi naman nagdalawang-isip si Doc Nielsen na gamutin si Jordan sa pamamagitan nang pagtuturok ng antibiotics, vitamins at antiparasitic shots.
At hindi lang si Jordan, kung hindi pati na iba pang aso sa lugar na nakitaan ng problema sa balat.

Para na rin sa kaligtasan, pinatulog muna si Jordan para masuri na rin ang kaniyang ari at makapon.

Habang kinakapon si Jordan, nalaman na mayroong transmissible venereal tumor ang aso, isang nakakahawa at malignant tumor sa ari ng aso na nakukuha sa pakikipagtalik.

Nagpasaya si Doc Nielsen na huwag na lang itong tanggalin dahil nasa maselang bahagi ng katawan ang nasabing tumor.

“Nasa location na siya na malaki ang blood vessel. 'Pag ginalaw ko ito at mayroon siyang clotting problem, 'di ako makatulog dahil baka mamaya continuous ang bleeding nito. I'm going to make a wise decision, ang iniisip ko lang ay pag-alis namin dito, safe siya,” sabi ni Doc Nielsen.

Tatlong buwan matapos niyang gamutin si Jordan, at iwanan ng mga gamot, unti-unti na umanong gumanda ang kondisyon ng aso. Makikita sa larawan ang pagkakaroon na muli nito ng balahibo, maging ang iba pang aso na ginamot ni Doc Nielsen.

“Nagpasalamat ako nang mabalitaan ko na gagamutin si Jordan ni Doc Nielsen kaya di ako lumaot. Sa awa ng Dyos nang tinurukan siya ni Doc Nielsen, nang magamot siya, ayun po, um-okay po si Jordan. Dalawang linggo pa lang po may improvement na siya. Masaya sa pakiramdam na makita ang aso mo na gumaling,” ani Mellapis.

Samantala, dalawang buwan matapos gumanda ang kondisyon, unti-unti ring bumalik ang sakit sa balat ni Jordan dahil sa kakulangan ng gamot. Patuloy pa rin daw siyang inaalagaan ni Jovel hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.

Paalala ni Doc Nielsen, ang pag-aalaga ng aso ay hindi lang basta libangan kung hindi isang responsibilidad na kailangan gampanan, lalo na sa panahon na may mapapansing problema sa kanilang kalusugan.--FRJ, GMA News