Patunayan natin sa gawa at hindi sa salita ang pagsisisi natin sa ating mga kasalanan (Mateo 3:1-12)

May kasabihan na "madaling sabihin, ngunit mahirap gawin," Ang ibig ipakahulugan nito ay napakadaling magsalita subalit napakahirap naman patunayan sa ating mga kilos at gawa ang ating mga sinasabi.

Ganito ang naging pahayag ni Juan Bautista sa mga Pariseo at mga Saduseo sa Mabuting Balita (Mateo 3:1-12), nang wikain niya sa mga tao na patunayan nila sa pamamagitan ng gawa o sa kanilang buhay na talagang nagsisisi na sila sa kanilang mga kasalanan.

Napakadaling sabihin na mula ngayon ay sisimulan natin ang magbagong-buhay. Gaya halimbawa na ititigil na ang mga masasamang bisyo, gaya ng alak, droga, sugal, pagtataksil at iba pang nakapagdudulot ng kasalanan.

Ngunit ang mga salitang ito ay mananatiling isang payak na salita lamang kung hindi natin ito sasamahan ng gawa. Dapat maging tapat tayo sa pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos.

Ang paghingi ng kapatawaran sa kasalanan ay hindi dapat nanggagaling sa bibig, dapat sa puso rin. Kailangan na tapat tayo sa ating mga salita at taos sa ating puso ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos.

Katulad ng mababasa sa Ebanghelyo nang tinangkang lumapit ng mga Pariseo at Saduseo kay Juan Bautista. Inakala kasi nilang maliligtas na sila sa kasalanan kapag sila'y bininyagan sa tubig. (Mateo 3:7).

Inakala nila na kapag nabinyagan na sila ni Bautista ay absuwelto na sila sa kasalanan at hindi na sila mapupunta sa apoy ng impiyerno. Ganoon lang ba kadali iyon?

Ang akala ba natin na kapag nagsimba na tayo at nagdasal nang kaunti ay maliligtas na tayo sa kasalanan at hindi na parurusahan ng Diyos sa nagawa nating pagkakamali lalo na kung matindi?

Kahit magbabad tayo sa loob ng Simbahan pero paglabas naman ay patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan, walang silbi ang lahat. Maliligtas lamang tayo kung tinalukuran na natin nang tuluyan ang paggawa ng masama o kasalanan. Kung ang salita ay sasamahan ng gawa.

Kahit pa siguro maligo ka ng "holy water" pero hindi naman bukal sa puso mo ang pagsisisi at patuloy kang gagawa ng kasalanan, huwag kang umaasa na makakamit mo ang kapatawaran ng Diyos. Dahil hindi ka pa rin maliligtas gaya ng binabanggit ni Juan Bautista sa Ebanghelyo.

Kaya ang hamon ni San Juan sa mga Pariseo at Saduseo. "Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi na". (Mateo 3:8).

Hinahamon din tayo ni San Juan na bilang mga Katoliko at Kristiyano, kailangang patunayan din natin sa pamamagitan ng ating pamumuhay na totoo tayong nananampalataya kay Hesus. Pero papaano nga ba?

Maging larawan nawa tayo ni Hesus sa mga batang lansangan sa pamamagitan ng pagbigay sa kanila ng tulong tulad ng makakain. Samahan natin ng gawa ang nararamdaman nating awa sa mga taong tunay na mahihirapan at kailangan ng tulong.

Ang panahon ng Kapaskuhan at Adbiyento ay tamang pagkakataon upang ipakita ang makatotohanang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Hindi lamang sa salita kundi ipakikita natin ito sa pamamagitan ng gawa.

Hindi lamang ito panahon ng kasiyahan at ng pagtanggap ng mga regalo at biyayang bonus. Ito rin ang panahon ng pagbibigay, magmamahal, at paghahanda sa pagdating si Hesus sa pamamagitan ng paglilinis ng ating espirituwal. AMEN.

--FRJ, GMA Integrated News