Malalambot ang mga buto, hindi makatayo, hindi makalakad at hindi makapagsalita – ganito ang kalagayan ng isang 17-anyos na binatilyo sa Tagum City, Davao del Norte. Ano nga ba ang kondisyon na dumapo sa kaniya?

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Bam Alegre, mapapansin ang kakaibang hitsura ng binatilyong si Kyle kaya naging usap-usapan siya sa kanilang lugar.

Si Lola Esterlita Oregenes na ang tumatayong magulang ni Kyle mula nang iwan ito sa kaniya ng ina na nagtrabaho sa Maynila. Tatlong araw pa lang na isinisilang noon si Kyle pero hindi na siya naalagaan ng kaniyang ina.

"Hindi na nakatayo, hindi na makasalita, hindi na siya makalakad. Ang sabi ng doktor walang utak. Mahirap magpakain, mahirap magpaligo. Mahirap eh kasi matigas-tigas na ang katawan niya, masakit ang likod ko," sabi ni Lola Esterlita sa kalagayan ng binatilyo.

"Paiyak-iyak siya parang baby. Nag-aalala ako, hindi ko alam kung nakakakita siya kasi ang mga mata niya walang kibo," dagdag ni Lola Esterlita.

Nakadagdag pa sa pasakit ni Lola Esterlita na wala siyang sapat na pera para ipatingin sa espesyalista si Kyle.

Nang bisitahin ng city health physician na si Dr. Arnel Florendo si Kyle, napag-alamang may congenital defect ang binatilyo na tinatawag na microcephaly.

Ayon kay Dr. Florendo, hindi katulad o "at par" ang utak ng Kyle sa normal na sukat ng utak ng isang bata.

Posibleng nagkaroon ng problema sa pagbubuntis ang ina ni Kyle, o nagkaroon ng impeksiyon.

Base sa pag-aaral ng World Health Organization, posibleng sanhi rin ng microcephaly ang malnutrition at pagkakaroon ng impeksiyon habang ipinagbubuntis ang bata. Posible rin itong dahil sa pagkakabilad o exposure sa mga kemikal.

Isa ang Zika virus sa mga sanhi ng congenital brain abnormalities, ayon sa tala ng WHO noong 2016.

"Sa case ni Kyle kasi medyo severe 'yun eh. 'Pag brain ang tinamaan, wala na tayong magagawa riyan, wala tayong maibibigay na gamot diyan to reverse the condition. The best that we can do is to support the child, 'yung pag-develop, 'yung growth niya. Ang pinaka-target natin diyan na huwag siyang dapuan ng kung anu-ano pang sakit," sabi ni Dr. Florendo.

Sa mga nais tumulong, maaaring ipadala ang donasyon sa:

Zariza Galago
Gcash - 09073873424

--FRJ, GMA Integrated News