Isa sa mga tumatak na role ng Hollywood actor na si Johnny Depp ang piratang si "Captain Jack Sparrow" mula sa film series na "Pirates of the Caribbean." Pero sino kaya ang "Jack Sparrow" na nakikitang gumagala sa Davao City?

Sa programang “Dapat Mo, Alam Mo!,” lumitaw na hindi si Johnny Depp, kung hindi ang 36-anyos na Pinoy na si Jasper Ray Basa, ang "Captain Jack Sparrow" na nakikita sa nasabing lungsod.

Ayon kay Jasper, isang online seller, iniidolo niya si Captain Jack Sparrow at die-hard-fan din siya ni Johnny Depp.

“Wala parang chill. Go with the flow. ‘Yung walang pinoproblema. Napakahusay, lahat ng problema kayang lagpasan,” saad niya tungkol sa kaniyang idolo.

“Not all treasures are silver and gold, mate. ‘Yun ang pinakapaborito kong linya ni Captain Jack Sparrow. Ang ibig sabihin nu’n sa buhay ko ay para bang mas mahalaga ang maging masaya. Mas mahalaga ang mabuhay ng tahimik at masaya,” dagdag pa niya.

Kung ang totoong Captain Jack Sparrow ay nakasakay sa barko, si Jasper naman ay nagbibisikleta.

“Since elementary trip na trip ko na talaga ‘yung nakikita kong nagbibisikletang gumagawa ng mga tricks. Hanggang nag-college ako, nasa bmx ako eh. Hanggang nakahiligan ko na. So sumasali na ako ng competition,” kuwento pa niya.

Pero bago pa siya maging ka-look-alike ni Captain Jack Sparrow, iba’t ibang trabaho rin daw ang kaniyang pinasok.

“Nag-sideline kami ng misis. Si misis nasa BPO siya pero home based. Tapos ako ay may farm ang pamilya namin. Tumutulong ako sa farm,” pahayag ni Jasper.

Marami mang problema noon, unti-unti naman daw silang umasenso sa buhay ng kaniyang asawa.

“May-a-aplayan din sana ako na isa pang job, kaya lang noong nagka-pandemic na, napagdesisyunan namin ni misis na maghinto na siya sa BPO. Nag-plan kami into ukay business tapos ‘yung mga cosmetics,” sambit ni Jasper.

“Sabi niya sa akin kung magtrabaho ka, hindi natin mapo-focus ‘yung pag-aalaga ng mga bata,” dagdag pa niya.

Payo naman ni Jasper sa mga kagaya niyang may mataas na pangarap, “Gawin ninyo lang ang mga pinapangarap ninyo. Malay natin suswertihin kayo. Ganoon lang din ang ginawa ko sa mga pangarap ko. Walang imposible kung tayo ay nangangarap.” -- FRJ, GMA Integrated News