Isang palaboy ang nabigyan ng pagkakataon na mabago ang buhay nang mag-viral sa social media ang kaniyang video habang malambing na nilalaro ang isang kuting sa isang underpass sa Taguig. Ngayon, may tirahan na siya at maayos na trabaho bilang promotions manager ng isang kompanya.

Sa isang episode ng programang "Good News," ipinakita ang nag-viral na video na kuha ni Claudine Abel sa dating palaboy na si Sadha Shiva "Jeff" De Vera, na nadaanan lang nila sa underpass kung saan natutulog ang huli.

"Sabi ni Kuya Rico, 'yung driver ko, tingnan ko raw si kuya [Jeff], kinakagat niya raw 'yung pusa sa leeg. Hindi ko siya makita so kailangang ko siyang i-video para ma-zoom in ko kung ano ang ginagawa. Pagka-zoom in ko, biglang humarap si kuya Jeff and kini-kiss niya 'yung pusa," kuwento ni Claudine.

Sa loob lamang ng ilang oras nang i-upload ni Caludine ang kuha niya kay Jeff, umani agad ng ito ng libo-libong komento. At kinalaunan, sinabing umabot na sa higit limang milyon ang views ng video.

Ilang netizens ang nagsabing nararapat na tulungan si Jeff,  na nagsimula raw magpakain ng mga hayop sa kalye sa tuwing natatapos siyang magtinda. Tumutulong din siya sa mga lokal na komunidad at beterinaryo.

Dahil sa mga nagmumungkahing dapat na tulungan si Jeff, nagdesisyon si Claudine na balikan ang palaboy para mabigyan niya ng pagkain.
Hanggang sa naging sunod-sunod na ang pagbisita ni Claudine kay Jeff na naging kaibigan na niya kinalaunan.

Sa tulong pa rin ni Claudine, naayusan, nabihisan at nagupitan si Jeff. Dinala din niya ang bagong kaibigan sa kompanyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang partner sa hangarin na mabigyan ito ng trabaho.

"Noong na-interview siya, sobrang galing niya rin. Unang question pa lang, alam niya agad sagutin. Kung ikaw ang kausap niya hindi mo iisipin na homeless talaga siya. Iisipin mo dati siyang professional," ayon kay Claudine.

Natanggap naman si Jeff sa kompanya bilang utility personnel o tagalinis at tagabigay ng kailangan ng mga empleyado. Pero dahil sa angkin galing ni Jeff sa makikitungo at makikipag-usap sa mga tao, na-promote si Jeff sa kumpanya at isa na siya ngayong promotions manager.

Napag-alaman na dating may trabaho at inuuwian si Jeff. Subalit nang magkaroon ng pandemya, kabilang siya sa mga nawalan ng hanapbuhay. At dahil walang kinikita, wala na rin siyang maipambayad sa renta na naging dahilan ng kaniyang pagiging palaboy.

Tumira si Jeff sa underpass sa Taguig, at nanatili siya roon hanggang sa makita siya ni Claudine.

Sanay naman daw tumira si Jeff sa kalye dahil dati na ring siyang nagtitinda para sa mga call center agent. At kahit may mga kapatid, hindi siya humingi ng tulong dahil may kaniya-kaniya na itong pamilya.

Ang mga alagang pusa ang nagsilbing pamilya ni Jeff sa lansangan. Matapos magkaroon ng trabaho, sunod na hinanapan si Jeff ng maayos na tirahan.

Dahil dito, mas nakakapag-ampon na si Jeff ng mga hayop sa kalye at nakakatulong pa sa mga beterinaryo at pet organization.

Tunghayan at kapulutan ng inspirasyon ang kuwento ni Jeff at ang ipinakitang pagmamalasakit at pagbibigay ni Claudine ng kinakailangan "chance" sa isang palaboy para mabago ang buhay nito. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News