Ngayong panahon ng bakasyon, marami na naman ang mamamasyal tulad sa mga resort na may beach o pool. Pero kung madisgrasya o malunod ang guest, magkakaroon kaya rito ng pananagutan ang pamunuan ng establisimyento?
Sa segment na Kapuso sa Batas ng "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na hindi malinaw ang batas natin tungkol sa naturang usapin ng pananagutan ng mga resort sa kanilang guests.
Gayunman, sinabi ni Concepcion na nakasaad sa Tourism Act na dapat lahat ng resort ay may lifeguard para sa accreditation kung nais nitong maging 5 o 4 star establishment.
Kung walang lifeguard ang resort, mawawalan lang ng accredition ang establisimyento. Gayunman, hindi na raw dapat mabigyan ng business permit ang resort na walang accredition.
Sa mga beach resort, sinabi ni Concepcion na mayroong memorandum circular ang Philippines Coast Guard na nagtatakda na dapat ay mayroon umanong lifeguard ang mga resort sa bawat 20 metro ng beach o coastline.
Pero base sa mga report, marami pa rin ang resort ang walang accredition at walang trained lifeguard. Kaya nagiging depende na lamang sa pangyayari ang pananagutan ng resort.
Subalit sinabi rin ni Concepcion na may mga pahayag na ang Korte Suprema at Court of Appeals tungkol sa mas malaking pananagutan dapat ng mga hotel, resort, at mga katulad na establisimyento, sa kanilang mga guest o kliyente.
Gaya umano ng pahayag ng SC tungkol sa isang kaso ng isang 5 star hotel na naging liable in million of damages dahil sa pagkamatay ng isa nilang guest.
Namatay umano sa saksak sa loob ng kaniyang kuwarto sa hotel ang guest na kagagawan ng isang hindi kilalang tao na nakapasok sa establisimyento.
Pinuna umano ng korte ang kakulangan ng hotel sa pagbibigay ng seguridad sa kanilang guest na dapat daw ay may security personnel sa bawat palapag nito, bagay na hindi rin umano malinaw na itinatakda sa batas bilang requirement sa mga katulad na establisimyento.
Bilang isang hotel na ang serbisyong iniaalok ay pagtanggap ng mga guest, may public intetest umano rito at ang responsibilidad nito na hindi lang ingatan at protektahan ang mga gamit ng guests, kung hindi maging ang mismong guest.
"Siguro kasama rito kung ikaw ay isang beach resort, dapat nakatuon doon ang inyong atensyon para sa segurity and safety ng mga guest," ani Concepcion.
Ngunit magiging iba umano ang usapan at magkakaroon ng depensa ang establisimyento kung naglagay o nagbigay na ito ng babala sa posibleng peligro na maaaring mangyari pero ginawa pa rin ng guest ang gusto niya.
Panoorin ang buong talakayan tungkol sa usapin sa video. — FRJ, GMA Integrated News