Ngayong panahon na ng tag-init, muling nagpaalala ang mga eksperto na mag-ingat laban sa matinding init ng araw na maaari umanong maging dahilan ng  iba’t ibang sakit gaya ng skin cancer. 

Sa ulat ni Mark Salazar sa “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez na bagama’t mas maliit ang banta ng skin cancer sa mga Pilipino, kailangan pa ring proteksyunan ang balat laban sa matinding sikat ng araw.

“We have the pigment cells o yung melanin which protect us from sun rays,” ani Marquez.

Dagdag ng doktor, maaari din umanong magmula sa sunburn ang skin cancer.

“Kapag mayroon kang history of at least four sunburns in the past. Lalo na yung sunburn na second degree which is yung nagbi-blister na, then you actually have doubled your chances of getting skin cancer,” sabi niya.

Ayon kay Marquez, pinakamabilis makukuha ang sunburn sa pagbibilad sa ilalim ng araw mula 9:00 am hanggang 2:00 pm. Posible rin ito anumang oras kahit pa maulap basta mayroon pang sinag ng araw.

“After 20 minutes under the sun nag-uumpisa na magkaroon na ng redness na hindi mo nakikita then it will become sunburn kapag tuloy-tuloy ka pa sa araw,” sabi niya.

Para makaiwas sa sunburn, payo ni Maria Rosario Vergeire, officer-in-charge ng Department of Health, "Ang paglabas sa araw iwasan po natin…lalong-lalo na po kapag matindi ang sikat ng araw. Always wear sun protection.”

Kung paano naman ang tamang paggamit o dami ng sunscreen na dapat ilagay sa katawan, sagot ni Marquez: “One teaspoon for the face and neck. One teaspoon for the arms, one teaspoon for the legs, and one teaspoon for the thigh, back, and chest. Total is about one shot glass, ganung kadamu. And reapply every two hours.” -- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News