Inakala ng isang babae na parte ng pagtaba niya ang paglaki rin ng kaniyang tiyan. Pero nang makaramdam na ng matinding sakit sa tagiliran at puson, nagpatingin na siya sa duktor kaya natuklasan ang kaniyang bukol o cyst sa obaryo na kasinglaki na ng isang bagong silang na sanggol.
Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Claire Peria na inakala niyang overweight lamang siya kaya hindi niya pinapansin ang mga nararamdaman sa katawan gaya ng paglaki ng kaniyang tiyan.
Ngunit kinabahan na siya nang makaramdam na siya ng sakit, partikular sa kaniyang tagiliran at puson. Nakararanas din siya ng heartburn pagkatapos kumain.
Nang hindi na niya makayanan ang sakit, nagpatingin na siya sa ospital at sumailalim sa ultrasound. Dito nalaman na mayroon siyang pelvoabdominal mass, na isang bukol na tumutubo sa pelvic at lower abdomen ng mga babae, na dulot ng bukol na tumutubo sa cervix, uterus at ovaries.
Sa kaso ni Peria, nagkaroon siya ng ovarian cyst na ayon sa obstetrician-gynecologist na si Dr. Judy Uy De Luna, ay isa sa mga madalas na tumatama sa mga kababaihan.
Ayon kay De Luna, may mga cyst naman na physiologic o normal lamang, gaya ng mga lumalabas sa oras ng cycle. Meron namang mga cyst na hormonal dependent na kayang gamutin sa pamamagitan ng pills.
Ngunit kung hindi na madadaan sa gamutan, kailangan nang sumailalim ang isang babae sa exploratory laparotomy at oophorectomy o removal ng ovary.
Sumailalim si Peria sa oophorectomy, at nakuha ang cyst o bukol sa kaniyang obaryo na halos kasinglaki ng bagong silang na sanggol.
Malaki naman ang pasasalamat ni Peria na benign ang nakuhang bukol sa kaniyang obaryo.
Base sa mga pag-aaral, karamihan sa mga nada-diagnosed na may ovarian cyst ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas. Ngunit dapat umanong obserbahan ang menstruation period o kabuwanang dalaw ng isang babae para maagapan ito.
Payo ni Dr. De Luna sa mga kababaihan, ugalian ang healthy lifestyle, iwasan ang stress, puyat, mga pagkaing matatamis at sobrang carbohydrates. --FRJ, GMA Integrated News
