Simpleng kainan lang daw na may tolda at mahabang upuan ang pangarap noon ng isang dating waiter sa restaurant. Pero higit pa raw doon ang ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos.
Sa programang "Pera-Peraan," ipinakilala si Rex Magallano, na mayroong negosyong kainan sa Mandaluyong. Ang isa sa mga patok niyang iniaalok sa kaniyang mga parokyano na mula 8:00 am hanggang 10:00 am, ang kaniyang healthy breakfast buffet sa halagang P85 pa lang.
Alas-sais pa lang ng umaga, may nakapila na sa labas ng kainan ni Magallano. Dahil mura at healthy, napansin na rin ng ilang vlogger ang kaniyang kainan na umaabot sa P40,000 ang kita bawat buwan.
Kuwento ni Magallano, naisipan niya ang pakulong healthy breakfast dahil dumadami na ang taong nag-iingat sa kanilang kalusugan.
Ang makikita sa buffet, mga pagkaing hindi umano mamantika na parang lutong-bukid. Kabilang dito ang nilagang okra, nilagang talong, pritong tilapia, pritong salinas, ensaladang kamatis, sibuyas, pipino na walang halong kung ano-ano.
Noon pa man ay nasa linya na raw ng pagluluto ang kanilang pamilya sa pangunguna ng kaniyang ama, na nakaimpluwensiya sa kaniya sa hilig sa pagluluto.
At kahit namasukan siya noon bilang waiter sa isang restaurant, nagpupunta raw siya sa kusina para magtanong sa cook kung papaano niluluto ang inihahandang pagkain.
Nagsimula raw si Magallano sa pagtitinda ng luto niyang pagkain sa contruction site. At kinalaunan, nakahanap na siya ng puwesto para sa kaniyang kainan.
Pero gaya ng ibang kuwento tungkol sa negosyo, dumaan din sa matinding pagsubok si Magallano bago nakamit ang tagumpay.
Nabiktima kasi siya ng investment scam nang may mag-alok sa kaniya na magpasok ng puhunan na gagamitin daw sa pagsusuplay sa isang ahensiya ng pamahalaan. Dahil maganda sa simula ang bigay sa kaniya ng kita, nagpasok pa siya ng puhunan na umabot ng P1.2 milyon. At kinalaunan, hindi na nagpakita sa kaniya ang kausap.
Nadagdag pa ang pagsubok sa buhay ni Magallano nang dumating ang pandemic at maapektuhan pa lalo ang kaniyang negosyo. Pag-amin niya, dumating siya sa punto na kinuwestiyon na niya ang Diyos.
Ngunit sa kabila ng lahat, naging matatag sila ng kaniyang asawa, at nananatiling nagtiwala sa Diyos. At sa tulong na rin ng kaibigan, nakapagsimulang muli sina Magallo.
Sinubukan nila ang iba't ibang pakulo, kasama na ang everyday P58 promo na isang ulam, isang gulay, isang kanin.
Ayon kay Magallano, hindi man masyadong kalakihan ang kita sa kaniyang kainan, masaya na siya dahil hindi naman nawawalan ng pera ang kaniyang bulsa. --FRJ, GMA Integrated News
