Ikinagulat ng isang ina nang mag-viral ang video ng kaniyang dalawang-taong-gulang na anak na inatake ng seizure, at nalaman niya na maraming magulang naka-relate sa kaniya. Ano nga ba ang sanhi ng seizure o pangingisay ang ilang bata at nagagamot pa ba ito?

Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Leann Gonzaga Lim, na masiglang nakikipaglaro ang anak niyang si Quia sa ama nito nang bigla na lang bumagsak at inatake ng seizure ang bata.

Dahil sa pangyayari, hindi maiwasan ni Lim na matakot para sa kaniyang anak. Nag-umpisa raw na magka-seizure ni Quia noong 11-buwang-gulang pa lamang ito.

Hinala ni Lim, namana ni Quia ang pagkakaroon ng seizure mula sa kaniyang kapatid na nagkakaroon din ng seizure at “namatay” ang kalahating katawan.

Sabi pa ni Lim, bago atakihin ng seizure si Quia, napapansin nila na tila natutulala muna ito. Ilang segundo raw ang pangingisay ng kaniyang anak at aawatin na nila ito at kakausapin.

Nang ipasuri sa neurologist na si Dr. Iggy Pantangco ang bata, nakumpirma na mayroong epilepsy si Quia. Isa itong kondisyon na nakararanas ng seizure o kombulsiyon ang pasyente.

Isa ito sa mga pinaka-karaniwang sakit ng nervous system, na kadalasang habambuhay na ang gamutan.

Ilan sa mga sintomas ng epilepsy ang pagkawala ng malay, pagkabalisa, pagkatulala, panghihina at panginginig.

Kabilang naman daw sa mga trigger ng seizure ang bright lights, nagpupuyat o nagugutom, kaya dapat itong iwasan ng mga may epilepsy.

Kapag may nakita o kasamang may epilepsy, dapat umanong tandaan ang acronym na ACTION:

Assess – Suriin ang sitwasyon kung may panganib na maaaring matamaan ang pasyente.

Cushion – Protektahan ang ulo ng pasyente.

Time – Alamin ang oras kung gaano katagal ang seizure.

Identify – Suriin kung may ID o medical bracelet ang pasyente kung hindi mo ito kakilala.

Over – Bantayan ang pasyente pagkatapos ng seizure.

Never restrain – Iwasang i-restrain o lagyan ng kahit anong bagay sa bibig ang pasyenteng nakararanas ng seizure.

Paliwanag ni Dr. Pantangco, karaniwang nagkakaroon ng seizure ang mga bata kung may problema sa kaniyang structural o genetic at naapektuhan ang kanilang development.

Sa kaso ni Quia, dahil bata pa siya ay may tiyansa pa na naman daw na mawala ang kaniyang sakit.--FRJ, GMA Integrated News