Bukod sa health benefits, nagkakaroon din ng kakaibang bonding na nabubuo sa ina at ng kaniyang baby sa breastfeeding. Ngunit ang ilang first time mom, hindi maiwasang makaranas ng pamamaga at pagsusugat ng suso na tinatawag na "mastitis." Alamin ang sanhi nito para maiwasan.
Sa programang “Pinoy MD,” ikinuwento ni Veebelle Lazaro Samonte ang kaniyang pananabik na mapadede ang kaniyang unang anak.
“Akala ko ‘yung tinatawag na breastfeeding is madali lang, magpapadede ka lang ng baby mo. Pero ‘yung naging journey ko is challenging,” sabi ni Samonte.
“Masakit talaga siya. Like noong nila-latch siya ng baby mo and first time mong maramdaman ‘yung ganu’ng feeling,” patuloy niya.
Ayon kay Samonte, gumamit din siya ng electric pump ilang araw matapos manganak dahil gusto niyang maraming mailabas na gatas ang kaniyang suso para sa kaniyang baby.
Bukod sa latch pain, na madalas na nararanas ng mga sa first-time mom, nakaranas din siya ng cracked nipples, na humantong sa pamamaga at pagsusugat nito.
Dahil dito, umiiyak si Samonte sa sobrang sakit at kailangan niyang hawakan ang kaniyang damit para hindi dumikit sa kaniyang dibdib.
Pinasubukan siya ng kaniyang OB-GYNE na mag-electric pump, ngunit wala nang gatas na lumalabas.
Hanggang sa nilagnat na siya at nagkaroon na ng sugat sa ang kaniyang nipple.
Ayon kay Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, OB-Gynecologist ng Mother and Child OB-Gyne Ultrasound Clinic, nangyayari ang mastitis o pamamaga ng suso kapag nagbara ang duct ng suso o lagusan ng gatas.
Bukod sa pananakit ng suso, nagdudulot din ito ng pamumula, at masyadong mabigat dahil hindi makalabas ang gatas.
Para maiwasan ang mantitis, kailangang magpasuso o mag-express ng breast milk ang isang ina kada dalawang oras.
Kung hindi naman sususo kaagad ang baby at may oversupply, maaari itong i-express at ilagay sa tamang sisidlan, ilagay sa freezer o kaya naman ay i-donate.
Para ma-drain ang naipong gatas sa suso ni Samonte, sumailalim siya minor surgery. Gayunman, nahinto ang pagpapa-breastfeed niya sa kaniyang anak at kinailangan bigyan ng formula milk.
"Noong nag-stop ako na magpa-breastfeed, may time na hinahanap niya po 'yung breast ko tapos umiiyak siya. Kapag pinadede ko siya sa bottle ayaw niya po talagang dumede. Masakit po 'yun para sa akin kasi gusto ko mapadede 'yung baby ko ng breastmilk which is healthy para sa kaniya, at para na rin sa akin," sabi ni Samonte.
Ayon kay Esquivias-Chua, hindi lang ang mga sanggol ang nakukuha ng benepisyo sa breastfeeding. Bukod sa hindi nagiging sakitin ang mga bata na pinadede ng ina, mas madali ring nakakarekober sa panganganak ang ginang na magpa-breastfeed.-- FRJ, GMA Integrated News
