Kasama-kasama ng mga sekyu sa pagbabantay sa mga establisimyento at nagbibigay ng kasiyahan sa mga tao ang mga "security cat" na sina "Lauro" at "Conan."


Sa kuwentong “Brigada” ni Lala Roque, ipinakilala ang pusa na si Lauro, na katuwang sa pagbabantay ng security guard na si Rene Ogardo, sa kanilang night shift.

Nag-viral noon si Rene matapos niyang pakainin ang tatlong stray cats sa kaniyang pinagtatrabahuhan, hanggang sa maging katuwang na niya ito sa pagbabantay.

Nang "magretiro" ang kaniyang mga alaga, na-recruit naman niya si Lauro nang mapunta ito sa binabantayan niyang fastfood restaurant.

Sobrang mailap daw noon si Lauro pero nagsimulang umamo sa kaniya nang umulan at kinailangan nitong makisilong. Dito siya binigyan ni Ogardo ng pagkain.

“Nasanay na rin po siya rito na mag-stay sa loob. At dito na rin po kami ngayon ni Lauro naka-duty," ayon kay Ogardo.

"Si Lauro kasi pagka nandito na ako sa pinto, tatabi na rin po ‘yan siya. Kaya kapag nandito kami sa pinto, mas maraming natutuwang mga customer kasi bihira lang sila makakita ng pusa na naka-duty,” sabi pa niya.

Dahil sa pusa, may mga customer sila na bumabalik.

Bagaman mahigpit daw si Lauro sa pagbabantay sa establisyimento, hindi naman daw ito madamot na makihati ng pagkain sa ibang mga pusa.

Hindi lang best buddy ni Ogardo si Lauro sa pagbabantay, kundi stress reliever din.

“Noong kasama ko pa sila sa duty ko, malaking bagay sa kanila kasi sa gabi, sobrang harot. Tipong aantukin ka na, sila mismo ang lumalapit sa akin para harutin ako. So ‘yung tipong aantukin ka na, nawawala,” sabi ni Ogardo.

Supportive rin ang mga katrabaho ni Ogardo, na sanay nang makasama ang kaniyang mga pusa. Katuwang din sila sa pagbibigay ng pagkain kina Lauro kapag day-off ni Ogardo.

Bago nito, nag-viral na rin si Ogardo noon sa pagpapakain niya sa mga pusa na sina Lomeng, Butcheng, at Shangki, na naging katuwang  niya rin noon sa pagbabantay sa establisyimento.

“Kung gaano ko kamahal ‘yung pamilya ko, ‘yung mga anak ko, ‘yung asawa ko, ganu’n ka-level sila. Ang mga pagkain nila talagang kasama ko sa budget ‘yan, ganoon ko sila kamahal,” sabi ni Ogardo.

“Kaya nga kapag nakikita kong meron silang nararamdaman, parang nai-stress ako kasi ‘yung tao nakakapagsalita, nakakapagsabi kung ano ang masakit. May buhay din sila. Hindi lang sila nakakapagsalita pero nakakaunawa sila, nakakaintindi sila once na minamaltrato sila,” dagdag niya.

Bukod kay Lauro, nag-viral din noon ang pusa na si Ming-ming na security cat sa isang gusali sa Mandaluyong City.

Pero noong Hunyo, pumanaw si Ming-ming dahil sa sakit. (Basahin: Kinagigiliwang 'security-cat' na si 'Mingming,' pumanaw na).

Ngayon, may bagong security cat ang naturang gusali na malaki ang pagkakahawig kay Ming-ming--si Conan.

Sa Facebook page na ginawa para kay Ming-ming, makikita rin ang mga larawan ni Conan, na kasama ng sekyu sa pagbabantay sa mga taong pumapasok sa gusali.

May mga larawan at video rin na makikita na hindi lang puro "trabaho" si Conan dahil pinapayagan din siyang maglaro.

Gaya nina Lauro at Ming-ming, dating ring pusang-gala si Conan na kinupkop, inalagaan, binigyan ng bagong buhay ng mga taong mapagmahal sa pusa. --FRJ, GMA Integrated News