Kung mahilig maligo araw-araw ang ilang Pinoy dahil sa mainit na klima sa bansa, ang iba naman ay natatakot na gawin ito dahil sa takot na "mapasma." Ano nga ba ang pasma at nakukuha nga ba ito sa pagbasa ng katawan kapag pagod? Totoo ba na mababaliw ang babae kapag naligo nang may regla?

Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” sinabi ng mga eksperto na walang masama kung maligo ang tao ng ilang beses sa isang araw.

Katunayan, inirerekomenda ang araw-araw na paliligo para sa kalinisan ng katawan.

“Actually there are no hard and fast rules with regards sa pagligo natin sa araw-araw since ang Pilipinas ay generally hot and humid. So it would be recommended to have a bath one to two times a day,” sabi ng general physician na si Dr. Katherine Abad.

“Once is enough just to clean our body. This is for hygienic purposes,” dagdag ni Abad.

Ngunit ang 32-anyos na hair stylist na si Rogelio Alcaraz sa Quezon City, iniiwasan na maligo pagkagaling sa trabaho sa takot na mapasma.

Dahil sa salon nagtatrabaho, gamit na gamit daw ang kaniyang katawan kaya pagod na pagod siya at nakakaramdam ng sakit sa mga kasu-kasuan kapag umuwi na.

Ang paglabas ng ugat sa kaniyang mga kamay, hinihinala ni Rogelio na dulot ng pasma.

“Pag minsan lumalabas na po ‘yung mga ugat ko sa kamay. Init, tapos basa, kaya lumalabas po siya,” sabi ni Alcaraz.

Lumabo na rin daw ang paningin ni Alcaraz, na hinala niya ay dulot din ng pagligo niya noon sa gabi kapag umuwi siya mula sa trabaho.

Ngunit ayon kay Abad, isang “folklore” o tradisyunal na paniniwala lang ang pasma.

“It is actually not true po. Ang pasma could be attributed to muscle spasm which is a medical term ng involuntary and forceful contractions of the muscles,” paliwanag ng doktor.

Kadalasa, sanhi ng muscle spasm o lamig sa mga katawan ang dehydration, electrolytes imbalance, at overfatigue na muscle ang dahilan nito.

Ayon kay Abad, wala namang bawal kung maligo pagkagaling sa trabaho o sa init ng araw.

Gayunman, iminungkahi niyang magpahinga muna bago maligo.

“Generally according to studies, wala naman talagang complications na makukuha kapag naligo tayo kapag nanggaling tayo sa work,” sabi ni Abad.

Pero totoo ba na mababaliw ang babae kapag naligo na may regla? Ayon kay Abad, hindi totoo.

Sa katunayan, mas mabuti umano na maligo ang babae kapag may regla para sa hygiene o kalinisan.

Hindi rin totoo na lalabo ang mata ng isang tao kapag naghilamos siya matapos magbabad sa computer o magbasa ng libro.

Ngunit payo ng doktor, mas makabubuti na kung magpapahinga muna bago maghilamos o maligo. -- FRJ, GMA Integrated News