Sa tulong ng DNA test, nakumpirma na napagpalit ng tauhan sa ospital ang mga sanggol na sina JM at Liam, sa kani-kanilang ina sa Cagayan. Puwede na kayang ibigay na kaagad sa tunay na magulang ang mga bata at pagpalitan ng pangalan? At sampahan kaya nila ng kaso ang ospital? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing December 6, 2019 nang sabay na magsilang sa ospital sina Marissa at Trisha.
Gayunpaman, inihayag ni Beverly, biyenan ni Trisha, na sa simula pa lang ay may pag-aalinlangan na siya nang mapansin niya na nagkapalit ang pamunas na ginamit sa mga sanggol na parehong walang tag.
"'Yung pamunas d'un sa baby bed, kinuha ko. Sabi ko, ba't nandun sa kabila 'yung pamunas natin? Tapos sila naman, 'Bakit nand'un din 'yung pamunas namin?' sabi nila," ayon kay Beverly.
Si Trisha, lalong lumakas ang hinala na baka napagpalit ang kaniyang anak dahil napansin niya at maging ng ibang kaanak na walang kahawig sa kanila ang batang si Liam.
"Saka lang po lumakas 'yung pagdududa ko nu'ng habang palaki na po siya kasi wala nga po siyang kamukha sa aming dalawa," saad niya. "Siya po singkit, wala naman pong singkit sa aming dalawa. Medyo malaki rin po 'yung tenga niya, wala rin naman pong gan'un sa amin. Saka po 'yung matangkad po siya."
Dito na kinontak ni Trisha si Marissa sa pamamagitan ng social media noong Agosto. Nang makita nila ang mga anak nila, nagkaroon na rin ng pag-aalinlangan si Marissa na baka hindi niya nga talaga anak si JM.
Si Beverly, napansin na kamukha ng kaniyang anak na si Roderick si JM.
"Talaga pong lukso ng dugo po," ani Beverly. "Nu'ng nakita ko 'yung bata talagang tumulo 'yung luha ko sa kanya."
"Tapos nu'ng nakita niya rin po ako bigla po siyang nagpakarga sa akin tapos hinalikan po niya ako," dagdag nito.
Matapos nito, humingi ng tulong sina Beverly at Trisha sa abogado para makipag-uganayan sa ospital. Nais nila na ang ospital ang gumastos sa DNA test ng mga bata.
"Sabi ko, 'Doktora, since po nasa inyo po ang negligence, kayo sana po ang mag-provide ng DNA,'" ani Beverly. "E sabi po ng nurse sa akin, 'Hoy, misis! Huwag mo sabihing negligence dahil walang negli-negligence dito sa ospital.'"
Gumawa ng paraan sina Beverly at Trisha upang patunayan ang kutob nila ng pagkakapalit ng mga sanggol. Nang makalikom ng pera, kinausap nila si Marissa at asawa nitong si Ricky, na sumailalim sila sa blood type tests, kasama ang mga bata.
Ang resulta ng blood type test, hindi tugma sa mga magulang ang blood type ng mga bata na nasa kanila.
Kaya nitong Setyembre, isinagawa na ang dalawang uri ng DNA test. Una ay lumitaw na hindi match sa maternity tests si Liam at Trisha, ganoon din sina JM at Marissa.
Patunay na ang mga bata na kanilang pinalaki sa loob ng halos apat na taon ay hindi nila talaga kadugo.
Sunod na isinagawa ang tinawag na crossmatch test upang makumpirma kung si JM talaga ang anak ni Trisha, at si Liam naman ang talagang ina ni Marissa.
Nang mag-match ang kanilang DNA test, napaiyak na lang ang dalawang pamilya. Bagaman natutuwa sila na lumabas na ang katotohanan, naaawa naman sila para sa mga bata dahil namulat sila sa pamilyang hindi nila talaga kadugo.
"Hindi ko po maikakaila na masakit talaga kasi nga po pareho na kaming napamahal sa mga bata," ani Trisha. "Pati 'yung mga bata pareho na ring napamahal sa mga kinagisnang pamilya."
Gayunman, higit na mahalaga para sa kanila ang kapakanan ngayon ng mga bata.
Pero payo ng psychiatrist na si Dra. Joan Mae Rifareal, huwag na munang basta magpalitan ng mga bata ang pamilya.
"Ang best advice in this scenario ngayon is, number one, proseso siya... Huwag natin biglain ang ating mga anak. Ang concern dito is to protect the children," saad ng duktor.
"Ang payo is mag-work together ang both family. Halimbawa sa bahay nila magba-bonding. Minsan doon naman sa kanila. 'Yung hindi sila kaagad biglang ise-separate doon sa space na tingin nila ay doon sila safe. Kasi doon sila lumaki e," dagdag niya.
Ipinayo naman ni Atty. Ramon Antonio Sabinorio, na huwag na munang palitan ang pangalan ng mga bata.
"I-maintain 'yung name ng bata para hindi mawala yung sense of identity nila," aniya.
"Pagdating naman sa hospital, puwede kang pumunta sa regulation ang licensing department ng [Department of Health]," dagdag niya. "Mag-fa-file kayo ng formal complaint together with respect to the baby switching. Puwede ka mag-file ng gross negligence and revocation of license. May kaukulang accountability, puwede ka rin mag-file ng civil case. 'Yung civil ito naman 'yung damages dahil sa nangyari."
Sina Beverly at Trisha, nais na papanagutin ang ospital.
Ayon kay Dr. Rebecca Battung mula sa Provincial Health Office, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyari.
"Noong araw na 'yun, wala talagang available na baby tag," pahayag niya. "So hindi talaga OK."
"Kami rin ay nakipag-ugnayan na rin sa DSWD or sa MSWDO para at least, kung ano man ang kakailanganin na mga intervention para sa mga bata ay maibigay," pahayag pa niya.
Magbibigay naman umano ng "technical assistance and advice," ang DOH.
"We are in continued coordination with the office of the Governor, the Provincial Health Office and the current Hospital Chief to resolve this amicably," ayon kay Dr. Mar Wynn D. Bello, Assistant Regional Director, DOH-Cagayan Valley Center for Health Development.
Tiniyak naman ng dalawang pamilya na magtutulungan sila para makapag-adjust ang mga bata.
"Ipagpapatuloy namin ang pakikihalubilo sa kabilang pamilya para po sa huli is hindi na mabigla 'yung mga bata," ani Trisha.
"Pantay-pantay po 'yung pagmamahal namin sa kanila," sabi naman ni Marissa.
Sa huli, inihayag ng magkabilang pamilya na anak ang magiging turing nila sa dalawang bata. —FRJ, GMA Integrated News
