Nasagip ng mga awtoridad ang nasa mahigit 100 katao na sapilitan umanong pinagtatrabaho sa isang isla sa Sulu nang walang sahod. At para magtuloy-tuloy sa trabaho, ang mga biktima, pinapagamit umano ng ilegal na droga ang mga ito.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing isang malaking sindikato ang nasa likod ng operasyon na naging tila mga preso ang nasa mahigit 100 nilang trabahador, kabilang ang 20 pang menor de edad.

Taong 2014 nang ma-recruit ng umano’y sindikato si Generose Garcia, na mula sa Zamboanga Sibugay, para maging isang mangingisda.

Naengganyo sina Garcia at iba pa niyang kasama nang bigyan sila ng "recruiter" ng P15,000 kahit hindi pa nakapagsisimula sa trabaho.

Nang pumayag, dinala si Garcia at ang kaniyang pamilya sa malayong isla ng Tubalubac Island sa Sulu, na 10 oras ang layo gamit ang bangka mula Zamboanga City.

Pagkarating sa isla, payak ang naging pamumuhay nila sa panghuhuli ng isda. Gayunman, may mapait itong kapalit.

“Walang pulis doon, walang munisipyo, walang barangay. Sila ang gobyerno rito,” sabi ni Garcia. “‘Yung mga bata doon nagtatrabaho kahit maliliit pa. Papaluin sila ng walis, kahoy. Tututukan ka ng armas. Sila ang gobyerno rito.”

Maging ang anak ni Garcia na si Sophia, na 10-anyos lang noon, pinaglaba, pinagbilad at pinagkaliskis ng isda. Ginusto niyang umalis ng isla dahil sinasaktan umano siya roon.

Ngunit dahil hindi makaalis, sa Tubalubac Island na napangasawa ni Sophia si Junel Rico, na tubong Bohol.

Pinalalaot sila sa dagat mula 4 p.m. hanggang 5 a.m. Ngunit imbes na pera, bigas ang ibinibigay na bayad sa kanila para sa kanilang serbisyo.

“Wala, kahit isang piso. ‘Pag wala kang huli pag-uwi mo, bugbog sarado ka. Pinapaputukan kami kaya sobrang hirap. Kapag tayo’y lumaban, patay tayong lahat,” sabi ni Rico.

Para maging listo sa trabaho dahil sa ilang oras na pagkapuyat, puwersahan silang pinagagamit ng droga. Kinukuha umano ng amo ang droga mula sa isang supplier sa Jolo.

“‘Pag magtrabaho ka, mabilis ang galaw mo. Ang nagdadala na lang sa ‘yo ‘yung droga na lang. ‘Yung isipan lang ang malakas, ang katawan mo pagod na,” sabi ni Rey Recate, isa ring biktima ng human trafficking.

Pinangalanan nilang “Jammang” ang tinutukoy nilang amo, na “in-charge” sa isla at may mga bangkang panghabol kung sakaling tumakas ang mga trabahador.

Ayon kay Lowela Continedo, isa pang nabiktima, namatayan na siya ng isang anak na nagkasakit sa isla. Sinubukan nilang magpaalam sa mga tauhan ni “Jammang,” ngunit hindi sila pinayagan ng mga ito.

Taong 2018 nang nagkaroon ng pagkakataon si Garcia na makaalis ng isla nang payagan siyang tumawid pa-Zamboanga para ipagamot ang isa niyang anak na maysakit. Ngunit ang kondisyon, may iiwan siyang isa pang anak sa Tubalubac Island, kaya naiwan si Sophia.

“Parang ikamatay namin ‘yung lungkot,” sabi ni Garcia.

Nito lamang nakaraan buwan, naglakas-loob ang kasamahan nilang si James Deiparie na tumakas. Pitong oras siyang nagbangka patungong Jolo at doon nakapagsumbong.

Agad nagsagawa ng operasyon ang PNP Zamboanga at iba pang ahensiya. Nang marating nila ang isla, nasagip nila ang mahigit 100 biktima ng human trafficking.

Nakita nila sa bahay ng suspek ang 10 gramo ng shabu, mga sangkap sa paggawa ng pampasabog at samu’t saring mga armas.

Gayunman, nabigo ang mga awtoridad na mahuli ang itinuturong nasa likod ng sindikato matapos na makatakas ang mga ito.

Sa kabila nito, itutuloy pa rin ng pagsasampa ng kaso laban sa sinasabing namamahala sa isla at kumuha sa mga biktima. Tutulungan naman ng lokal na pamahalaan na makapagsimulang muli ang mga nailigtas.-- FRJ, GMA Integrated News