Bukod sa mga mababasa sa libro at madidinig na leksyon sa mga propesor, higit na malaki raw ang matututunan ng mga nag-aaral ng medisina mula sa mga tinatawag na "silent mentor"-- ang mga bangkay.
Sa dokumentaryo ni Mav Gonzales para sa programang "i-Witness," ipinaliwanag ni Dr. Rafael Bundoc, chair ng Department of Anatomy, UP College of Medicine, ang kahalagahan ng mga "silent mentor" sa mga nag-aaral ng medisina.
Ayon kay Bundoc, sa unang araw pa lang ng orientation ng mga medical student, sinasabi na nila sa mga estudyante na marami silang mga buhay na guro na makakaharap buhay pero hindi sila ang importante.
"Ang importante yung unang-una nilang makakaharap na 'silent mentor.' Silent, tahimik, mentor, guro, 'di ba? Bakit ang tawag namin mentor sa mga bangkay na ito, kasi hindi sila nagsasalita pero ibibigay nila ang buong katawan nila para pag-aralan, iyon ang ultimate sacrifice sa tingin ko sa medisina," pahayag.
Ang bawat bangkay na ginamit sa pag-aaral ng mga estudyante, tumatagal lamang ng isang taon.
Ayon kay Bundoc, sa paglipas ng panahon, dumadami ang kumukuha ng kursong medisina at kinukulang na rin ang bangkay na kanilang nagiging silent mentor.
Saan nga ba nanggagaling ang mga bangkay na nagiging "silent mentor," at anong proseso ang pinagdadaanan ng mga ito para tumagal ng maraming taon? Tunghayan ang hindi pangkaraniwang dokumentaryong ito ng "i-Witness." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News
