Hindi jacket, hindi sombrero, kung hindi tig-100sqm na lote ang ipinamigay ng isang barangay chairman sa mahigit 100 niyang kalugar na walang sariling lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay sa Camarines Sur. Si Kap pala kasi, naranasan noon na mapaalis sa lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay na kubo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na dahil sa kaniyang pagsisikap, nakabili na si Ruben Bondad, chairman ng Barangay Camagong sa Tinambac, CamSur, ng limang hektaryang lupain.
Ang isang hektarya na nabili niya sa halagang P1.5 milyon, hahati-hatiin niya para ipamahagi sa 105 pamilya na walang sarili lote para mapagtayuan ng kani-kanilang bahay.
Ayon kay Kap. Ruben, 11-anyos pa lang siya ng pumanaw ang kanilang padre de pamilya kaya maaga rin siyang natutong maghanap-buhay.
Nang magkaroon siya ng sariling pamilya, nagrenta sila ng lupa na tinayuan niya ng kubo. Pero kinalaunan, pinalayas sila.
Aminado si Kap Ruben na masama ang loob niya sa nangyari.
"Napakasakit talaga ang walang natitirhan," saad niya.
Kaya lalo pang nagpursige si Kap Ruben na nagtayo ng negosyong junkshop at koprahan. Nang lumago, nag-ipon siya para makabili ng maliit na lupa na tinayuan niya ng bahay para sa anim niyang anak.
Hanggang palarin na siyang umasenso at makabili pa ng mga lupa na umabot sa limang hektarya.
Upang makatulong sa kaniyang mga kababayan na karapat-dapat at katulad niyang walang lupa noon, nagpasya siyang ipamahagi ang isang hektarya.
Kabilang sa umaasang mabibigyan ng lote ni Kap Ruben ang ginang na si Noni Bartolome, na napaalis din sa lupa na kinalalagyan ng kanilang tirahan.
Ngayon, nakikituloy lang si Noni at ang kaniyang mga anak sa sala ng bahay ng kaniyang kapatid.
Nangangalakal lang ng basura si Noni kaya malaking bagay sa kaniya kung magkakaroon sila ng sariling lupa.
Gaya ni Noni, nangangalakal din ng basura si Teresita Bartolome, at nakatira sa barung-barong na nakatayo sa lupa na hindi rin sa kanila.
Umaasa rin siya na makakasama siya sa masuwerteng mapipili ng kanilang kapitan.
Ang guro naman na si Mario Alano, dalawang oras ang biyahe sa motorsiklo patungo sa eskuwelahan para mapagturo.
Kung mapipili siya ni Kap. Ruben, mapapalapit na siya sa eskuwelahan at mas maraming oras ang mailalaan niya sa pagtuturo.
At nang ipatawag na ni Kap Ruben ang kaniyang mga kabarangay, isa-isa niyang inanunsyo ang mabibigyan niya ng lupa. Makasama kaya sina Titser Mario, Teresita at Noni? Panoorin ang kahanga-hangang kuwento ni Kap Ruben sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News