Viral sa social media ang ilang video ng bangayan at sagutan ng mga motorista na kung minsan ay humahantong sa pagbabanta, sakitan, at kung minsan ay krimen. Paano nga ba ito maiiwasan ang tinatawag na "road rage?"

Sa Dapat Alam Mo! inilahad ni June Estallo, director, Philippine Advocates for Road Safety, na ilan sa mga dahilan kung bakit umiinit ang ulo ng mga motorista ang environment, kondisyon o kalagayan ng kalsada, at pagdami ng mga sasakyan.

"Hindi na na-a-accommodate ng ating lansangan ang biglang pagdami ng ating sasakyan. So, kaakibat na nu'n ang umiinit ang ulo ng isang driver, ng isang motorista, unang-una dahil sa traffic. Frustration niya na nahuhuli siya sa pagpasok niya sa trabaho, at masama rin ang panahon, mainit masyado," sabi ni Estallo.

Ayon kay Estallo, wala pang batas na umiiral sa ngayon na partikular na para sa "road rage." Ngunit tinitingnan na ng mga mambabatas kung ano ang mga dapat na kaparusan o penalty nito.

Ang mga abogado naman, tinitingnan ang kasalukuyang penal system kung nakapaloob na roon ang mga paglabag ng isang nasangkot sa road rage gaya ng pananakit.

Kung may nakaharap na motoristang labis na ang galit, dalawa lamang umano ang maaaring gawin: maging confrontational [sabayan ang galit] o ang avoidance [umiwas na lang].

"Iwasan mo. Pero kung nakikita mong napaka-eminent na ang pag-amba, puwede mo siyang layasan at humanap ka ng pinakamalapit na police station, iparada mo roon," payo ni Estallo.

Ayon kay Estallo, inirerekomenda ng mga behavioral scientists na magpatugtog ng musika sa sasakyan para hindi uminit ang ulo ng motorista.

"Huwag mong i-interpret na kung na-cut ka o parang binusinahan ka, huwag mong i-interpret na parang... huwag mong personalin," sabi ni Estallo.

"Nabigyan tayo ng pribilehiyo na magmaneho, nabigyan tayo ng lisensya, pero hindi kasama ang pribilehiyo roon na manakit ka o mang-away ka o resolbahin mo ang isang problema ng trapiko sa gitna ng kalsada," dagdag pa niya.

Iminungkahi ni Estallo na magkaroon ang pamahalaan at iba pang organisasyon ng education campaign tungkol sa road rage. Panoorin sa video ang buong talakayan. -- FRJ, GMA Integrated News