Nakagiginhawa at relaxing ang pinagkakakitaan ng isang plantito na terrarium at aquascape, o pagtatanim ng mga halaman sa loob ng glass. Ang kaniyang negosyo na sinimulan lamang noon sa P300 puhunan, kumikita na ngayon ng P60,000 kada buwan.

Sa programang "Pera Paraan," ipinakilala si Dale Francis Yu ng Marilao, Bulacan, may-ari ng Terra Box PH, na certified nature lover na mula pa noong kabataan.

Paliwanag ni Yu, ang terrarium ay para ring isang aquarium, ngunit hindi isda ang inilalagay dito kundi halaman na itinatanim sa loob ng glass.

Matagal nang hilig ni Yu ang aquascape, habang sinimulan niya naman ang pagbuo ng mga terrarium noon lamang Nobyembre 2021, na una niyang nakita sa mga foreigner.

“Naisip ko, why not dalhin dito sa Pilipinas ‘yung mga ganitong art? Maraming tao na nasa bahay lang na gusto gumawa ng ganitong piece of art,” sabi ni Yu.

Sa online iniaalok ni Yu ang kaniyang mga halaman, habang sa garahe lamang ng kanilang bahay niya ito ginagawa dahil wala pa siyang physical store o gallery.

Bago magnegosyo ng mga terrarium, naging branch manager muna ng pawnshop si Yu. Hanggang sa mapagtanto niya ang kahalagahan ng oras para sa pamilya kaya siya nag-resign.

Hilig ni Yu ang arts at photography kaya ginamit niya ang mga ito upang ipakilala ang kaniyang negosyo.

Gayunman, hindi naniwala noon ang mga magulang ni Yu na kikita ang pinasok niyang negosyo.

“Post ako nang post. Siguro mga two to three months, walang nag-inquire, walang bumibili. Pero ang ginawa ko, tuloy-tuloy pa rin ang paggawa. Naniwala lang ako sa art ko,” ani Yu.

Ilan sa mga hamon niyang hinarap ang pagkabasag ng mga ibinibentang aquarium at pagkakaroon ng mga insekto sa halaman.

“Naghanap din ako ng puwesto ng pagtataniman ng plants, napeste siya ng mga insect, tapos nagsimatayan. Halos P50,000 siguro ‘yung nawala sa akin ng time na ‘yun. Nalalaglagan ng bunga, ng bulaklak, ng dahon,” kuwento ni Yu.

Nagsimula si Yu sa P300 na puhunan na ipinambili niya ng mga garapon kung saan niya inilalagay ang mga lumot na kaniyang nakuha naman mula sa hollow blocks. Kumita siya ng P700 nang maibenta niya ito.

Nang magbungan na ang kaniyang pagsisikap, kumikita na siya ngayon ng P60,000 kada buwan, na umaabot pa ng P100,000 tuwing peak season.

Mabusisi ang paggawa ng terrarium at aquascape kaya kailangan nito ang matindi at mahabang pasensya.

Ayon kay Yu, dalawang oras ang kaniyang inaabot sa paggawa ng medium-sized na terrarium noon. Ngunit ngayon, nasanay na siyang gumawa kaya inaabot na lamang siya ng 30 minuto sa paggawa nito.

Naibebenta ni Yu ang kaniyang terrarium at aquascape mula P1,500 hanggang P30,000, depende sa laki at design.

Kabilang sa kaniyang mga disenyo ang Buddha, anime character, monk, mother nature, mushroom house, at underwater sceneries.

Nagbebenta rin si Yu ng ilang gamit para sa paggawa ng terrarium at aquascape para sa mga mahilig sa ganitong hobby.

Panoorin ang buong kuwento at matuto kung papaano gumawa ng terrarium na sinubukan ng host na si Susan Enriquez. --FRJ, GMA Integrated News