May kakaibang paraan ng pagli-litson ng kambing sa Occidental Mindoro. Sa halip kasi na diretso sa nagbabagang uling ang kanilang lulutuin, kailangan muna nila itong ibalot sa putik na katulad ng punso.

Sa programang "i-Juander," ipinaliwanag ng magkapatid na Franco at Rogelio na hindi karaniwang putik ang kailangang gamitin sa paglilitson ng kambing. Sa halip, ang dapat gamitin ay putik na tila kulay pula na kahawig ng mga lupa na tinatawag na punso.

Bata pa lang ay ginagawa na umano ang magkapatid ang kakaibang paraan ng paglilitson ng kambing na nakabalot sa putik.

“‘Yung balot sa putik kasi, nakulob ‘yon, sariling kuwan lang niya naluluto na ‘yung katawan niya. Hindi kagaya ng masobrahan ng ihaw, nangingitim. ‘Yun, hindipaliwanag ni Franco.

Ang isang hita ng kambing, titimplahan muna nila at saka ibabalot sa dahon ng saging. Ang lupa na kanilang nakuha, babasahin hanggang sa maging putik.

Saka naman nila ilalagay o ibabalot ang putik sa hita ng kambing na nakabalot sa dahon ng saging.

Matapos nito, puwede na itong ilagay at tabunan ng nagbabagang uling.

Pagkaraan ng dalawang oras, puwedeng kunin ang litsong kambing at kainin.

Ang lasa ng kambing, para umanong manok, at may nagsasabi rin na lasang baka. Wala rin umanong lansa na malalasan sa kambing.

Tunghayan sa video kung papaano ginagawa ang litsong kambing sa putik. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News