Sa halip na toothpick, kutsilyo ang ginagamit para masungkit ang laman ng mga giant suso dahil sa laki nito na mabibili sa Cawayan, Masbate. Papaano nga ba nakukuha sa dagat ang mga suso na ito na kayang lumaki na kasing-laki ng bola.

Sa programang “I Juander,” sinabing aabot sa lima hanggang pitong pulgada ang sukat ng mga giant suso, o kung tawagin ay Binga o Labang. Ang bigat nito, umaabot ng tatlong kilo.

Kung ilalagay sa palanggana ng timbangan, isa hanggang dalawang piraso ng suso lamang ang kasya rito.

Mabibili ang mga giant suso ng P100 hanggang P120 kada kilo.

Ayon sa mangingisdang si Mang Jason Arizobal, tuwing Linggo lang siya nanghuhuli ng mga giant suso dahil ayaw niyang maubos ito kung gagawing araw-araw ang pagkuha niya sa dagat.

Lumalaki ang mga suso sa maayos na kondisyon ng karagatan.

Tunghayan sa video ng "I Juander kung papaano niluluto ang giant suso na masarap daw kapag inadobo. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News