Nagsalita na ang ninang ng bagong kasal sa Amlan, Negros Oriental, na sinasabing dahilan ng kalituhan sa schedule ng kasal sa simbahan. Nag-viral sa social media ang kasal na minadali ng pari ang seremonya at literal na nagsermon dahil sa pagiging "late" umano ng ikakasal.
BASAHIN: Kasal sa simbahan sa Amlan, Negros Oriental, inapura umano ng pari; parokya, nagpaliwanag
Iniulat ang nangyaring kontrobersiya sa kasal dahil na rin sa post sa social media ng bride na si Janice Seit Suelto-Sagario, na naglabas siya ng sama ng loob dahil sa nasirang moment sa kasal nila.
Sa video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita na nakapag-martsa nang maayos papunta sa altar ang groom at iba pang kasama sa entourage. Pero ang bride na huling maglalakad papunta sa altar, napilitang magmadali dahil sinimulan na ng pari ang misa.
Makikita na hirap maglakad ang bride sa suot niyang gown, at napag-alaman na buntis na siya.
Madidinig din sa video na nabanggit ng pari na 8:00 am ang schedule ng kasal na naganap noong June 8.
Ayon sa bride, dumating sila sa simbahan bago mag-9:00 am dahil gabi bago ang kasal, sinabihan sila ng kanilang ninang na nagsisilbi rin sa simbahan na iniurong ang kanilang kasal ng 9:30 am.
Pero makikita sa whiteboard kung saan nakalagay ang schedule ng simbahan, alas-8:00 ang kasal, at susundan ito ng funeral mass, o misa para sa patay ng 9:30 am.
Dahil "late" ang kasal ng isang oras, kinailangan umanong pakiusap ng simbahan ang pamilya ng ililibing na maantala ang misa para sa yumao nilang mahal sa buhay.
Inako naman ng ninang na nakilalang si Charlene Sunico, ang pagkakamali. Pero sinabi niya na may nagsabi rin lang sa kaniya na kasamahan na nabago ang schedule ng kasal.
Gayunman, hindi na niya pinangalanan kung sino ang nagsabi sa kaniya.
"Nagkamali ako, nagawa ko ito," saad niya. "Humihingi ako ng kapatawaran sa inyong lahat."
"Sinabihan ko ang mga tao, mga bisita. Nagkamali ako, nagawa ko ito dahil lang naman din sa isa kong kasamahan," paliwanag niya.
Humingi na rin naman ng paumanhin ang simbahan sa ano mang nasabi ng kanilang tauhan dahil sa nangyaring aberya.
Dahil naman sa nangyari, may mga sponsor na nag-alok sa bagong kasal na magkaroon ng take 2 sa kanilang kasal.-- FRJ, GMA Integrated News
