Viral ang isang lalaking content creator sa Iloilo, na hindi masasarap na pagkain ang nilalantakan kung hindi hollow blocks. Bakit nga ba niya ito ginagawa, at ano ang masamang epekto nito sa katawan?

Sa nakaraang episode ng "AHA!," sinabi ng content creator na si Jekerie Bendanillo, na nalalasahan niya ang semento kapag kumakain ng hollow blocks.

"Parang nag-uubo ako kasi 'pag inuya ako, 'yung sebo ng semento, mararamdaman ko 'yung lasa," sabi ni Bendanillo. "Ang hirap kumain ng hollow blocks kasi hindi naman kinakain 'yan ng tao."

Ayon kay Bendanillo, ginagawa lang niyang kumain ng hollow blocks dahil sa request ng follower sa social media.

"May nag-request sa akin na mag-mukbang daw ako ng hollow blocks kaya ginawa ko 'yon," sabi niya.

Para hindi niya gaanong malasahan ang hollow blocks, pinapahiran ito ni Bendanillo ng margarine. Kapag mabilis siyang ngumuya, may mga pagkakataong bumabara na ito sa kaniyang lalamunan.

"Muntik na akong mabulunan ng pagkain ng hollow blocks. Kasi pag-uya ko, hindi mo maiwasan na pumasok sa ano... ina-ano ko lang na makaabot ako ng mga three minutes bago mapatay 'yung video pero sobrang hirap ko na 'yon," anang content creator.

Inilihim ni Bendanillo noon sa kaniyang asawa ang pagkain ng hollow block. Napag-alaman na nagmukbang na rin siya noon ng mga kakaibang hindi dapat kinakain gaya ng sabon.

Alam ni Bendanillo ang panganib sa ginagawa niyang online content.

"'Yung pagkain ko ng hollow blocks, siguradong hindi 'yun ligtas kasi semento 'yun. Alam ko naman na semento 'yun kasi araw-araw 'yun ang hinawakan ko," saad niya.

Ginagawa ni Bendanillo ang pagkain ng hollow blocks upang masuportahan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, dahil kulang ang sinasahod niya bilang isang karpintero.

Ngunit nang maging content creator, dalawang buwan siyang kumita ng P8,000 pataas.

Pero sa kabilang ng kita, sinabi ni Dr. Gerald Belandres, ang mga problema na maidudulot ng pagkain ng hollow blocks.

"Siyempre, once kasi na nginuya niya ito, matigas 'yung bagay. Magkakaroon talaga ng problema doon sa kaniyang gilagid, doon sa kaniyang ngipin, puwede din ito mabali," ayon kay Belandres.

"At once kasi nagkaroon ng accident at naubo siya, puwede niya ito ma-ingest, lalo na pumasok doon sa kaniyang lalamunan at puwede kasi itong pumunta du'n sa kaniyang digestive tract. Or siyempre nakatakot diyan, puwede pumunta siya mismo doon sa kaniyang respiratory tract na puwede niya itong ikamatay," dagdag ni Belandres.

Si  Bendanillo, may payo sa ibang nagpaplanong maging content creator.

"Hindi basta-basta ang mag-content creator kasi lahat ng pagsubok susubukan muna ninyo bago kayo mag-success," sabi niya. "Sa may balak na mag-content creator, mag-isip muna kayo, sobrang hirap kasi."

Nilulunok kaya ni Bendanillo ang nginunguya niyang hollow block? Tunghayan ang kaniyang sagot sa video na ito ng "AHA!"-- FRJ, GMA Integrated News