Kung ang ibang lugar sa Pilipinas ay sagana sa kuryente, ang isang sitio sa Norzagaray, Bulacan, kailangan pang maglakad sa mabato at maputik na bundok at sumakay ng bangka para lang makahanap ng kuryente at makapag-charge ng kanilang cellphone at pati ang ginagamit na ilaw.
Sa "#SitioLowbatt" episode ng "Kara Docs" ni Kara David, itinampok ang Sitio Ilagan sa Barangay San Lorenzo, na mararating sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka para matawid ang Angat Dam.
Ang katutubong Dumagat na si July del Rey, ang naatasang mag-charge ng mga cellphone ng kaniyang mga katribo sa kabilang barangay na kailangang tawirin gamit ang bangka.
Pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Dumagat, na kadalasan nilang ginagawa sa gabi dahil dito pinaka-aktibo ang mga isda. Para magawa ito, kailangan nila ng mga flashlight na kuryente rin ang pang-charge.
Problema sa naturang sitio ang kawalan ng kuryente. Kaya naman tinitipid ng mga residente ang charge ng kanilang mga cellphone para hindi ito agad maubos.
Bukod sa ginagamit ang cellphone sa importanteng tawag, ang ilaw din nito ang pang-ilaw nila sa dilim.
May halos 25 pamilya ng mga katutubong Dumagat sa Sitio Iligan, kasama ang pamilya ni del Rey.
Ang ginang na si Ann Doroteo, malaking tulong ang cellphone sa tuwing nagkakasakit ang anak, na kaniya ring ginagamit para matawagan ang asawa na nagtatrabaho sa bayan.
Ngunit para makasagap ng signal, kailangan pa nilang umakyat sa bundok.
Matapos makolekta ang mga cellphone ng mga katutubo, muling bumaba ng bundok si del Rey para dalhin ito sa charging station sa kabilang barangay.
Pagkarating ng Sitio Manalo sa Barangay San Lorenzo, na tinitirahan din ng mga katutubong Dumagat, makikita na ang charging station, na pabahay ng NAPOCOR para sa mga empleyado.
Pinayagan ang mga katutubong Dumagat ng Angat Watershed na tumira sa Sitio Manalo, na libre ang tubig at kuryente, kaya hindi na sila naniningil kapag may gustong maki-charge sa kanila.
Dahil may kuryente, dinarayo na rin ng mga residente ng Iligan ang telebisyon para malibang.
Sa kabila ng malapit lamang sa hydroelectric powerplant ng Angat Dam, na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kuryente ng Metro Manila, hindi nabibiyayaan ng kuryente ang mga katutubo sa paligid nito.
Ayon sa Department of Energy, deklaradong protected area ang Sitio Iligan, kung saan hindi maaaring magputol ng putol o magtayo ng istruktura rito.
Tunghayan sa Kara Docs ang simpleng hiling ng mga katutubo at ang mga hakbang National Electrification Administration para magkaroon ng kuryente ang mga IP communities sa buong bansa. Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News