Mahalaga sa kalusugan ng tao ang sapat at mahimbing na tulog. Kaya naisipan ng isang working mom na magbenta ng bed sheets at pillow cases, at hindi siya nagsisi dahil sa laki ng kaniyang kinikita.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Antoinette Chaela Icabales, owner ng Ulap Bedsheet, na taong 2022 nang simulan niya ang kaniyang negosyo sa puhunang P30,000.
Paliwanag niya, naisipan niya na magbenta ng bedsheet dahil may higaan sa lahat ng bahay, at sa bawat bahay ay may mga taong naghahanap ng masarap na pahinga.
"Kaya naisip ko hindi lang basta-basta bedsheet ang ibenta namin kundi high quality," dagdag niya.
Noong una, mga regular cotton bedsheets at pillow cases lang ang kaniyang itinitinda. Hanggang sa nag-upgrade na sila sa silk fabric.
Mayroon din silang mga bedsheet na 100% Canadian cotton.
Ang presyo ng ibinebentang produkto ni Chaela, nasa P1,500 hanggang P4,500. Kapag pasadya ang order, may dagdag na singil.
Noong una, pangdagdag sa kita lang ang pakay nina Chaela at kaniyang mister sa pagbebenta ng bedsheet.
Pero nang tumagal, kinailangan nang iwan ni Chaela ang kaniyang trabaho para tutukan ang negosyo na mas malaki na ang kita kaysa sa kaniyang suweldo.
Ayon kay Chaela, mas malakas ang negosyo kapag "ber" months. Sa karaniwang buwan, nasa P300,000 umano ang kanilang income. Pero sa ber months, humihigit pa ito sa P500,000.
Nakarating na rin sa ibang bansa ang kanilang paninda gaya sa Amerika, Germany at Dubai, UAE dahil sa kanilang distributors.
May mga suki rin daw sila na mga celebrity.
Pero papasa kaya sa host ng programa na si Susan Enriquez ang mga bedsheet ni Chaela, at magkano naman kaya ang gastos kapag naging distributor ng mga produkto? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News