Hindi inakala ng mga dumalo sa isang family reunion sa Agusan del Sur, na ang simpleng katuwaan na bunong-braso, mauuwi sa seryosong disgrasya. Ang isa kasing lalaki na kasali sa laro, nabalian ng buto.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang aktuwal na video ng laro na matindi ang pagkakabuhol ng mga braso nina Alex Cuna at Alvin Frowel.
Pero ilang saglit lang, madidinig na ang tunog na tila nabaling kahoy.
Ayon kay Alex na nabalian ng buto sa braso, nagulat na lang siya nang may tumunog na tila lumagatok na nabaling kahoy.
Pahinante ang trabaho ni Alex na puhunan ang lakas ng katawan. Kaya madalas siyang nagbubuhat ng dumbell at magpu-push up.
Kaya nang magkayayaan ng bunong-braso sa dinaluhan niyang family reunion, kumasa siya lalo na't may premyo na puwede niyang idagdag sa kaniyang ipon.
Kampante raw si Alex na mananalo siya dahil ilang beses na niyang tinalo si Alvin, na batak din ang katawan sa pagbubuhat.
Sabi ni Alvin, na-shock din siya sa nangyari dahil hindi nila inaasahan na mauuwi sa pagkabali ng buto ang kanilang laro.
Matapos ang insidente, unang dinala si Alex sa manghihilot pero tumanggi ang hilot na gamutin siya dahil may bali ang buto nito. Kaya inikomenda ng hilot na dalhin si Alex sa ospital.
Sa X-ray, nakumpirmang nabali ang buto sa braso ni Alex, at may bahagi pa na nadurog. Inirekomenda umano ng duktor na operahan siya para malagyan ng bakal ang nabaling buto para diretso ito kapag gumaling.
Ngunit dahil hindi niya kaya ang gastusin na P150,000 sa operasyon, nagkasya na lang si Alex na isemento ang kaniyang braso na walang garantiya kung magiging tuwid ang paggaling ng kaniyang buto.
"Okey lang na hindi pantay basta magagamit ko pa yung kamay ko," saad niya.
Mahigit isang buwan matapos ang insidente, patuloy na nagpapagaling si Alex.
Ano nga ba ang mga dapat tandaan sa arm wrestling o punong-braso para maiwasan ang mga katulad na insidente? At ano dapat gawin kapag nabalian ng buto? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News
