Kahit nahihirapan sa pag-aalaga sa kaniyang mister na nagkaroon ng malubhang sakit at hindi na ngayong makakilos at makakilala, walang balak ang kaniyang misis na sumuko hanggang hindi siya gumagaling. At ang katuwang niya sa pag-asikaso sa kanilang padre de pamilya, ang dalawa nilang anak na bata pa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na larawan ng isang masayang pamilya sa Puerto Princesa City, Palawan, sina Josel at Jamaica, kasama ang dalawa nilang anak.

Bago nagkasakit, isang tourist van driver si Josel habang empleyado naman sa isang kompanya ang live-in partner niyang si Jamaica.

Gaya ng ibang relasyon, nagsimula na magkaibigan sina Jamaica at Josel, hanggang sa magsama na sila noong 2014, at nagbunga ito ng dalawang anak.

Sa kanilang pagsasama, nakita ni Jamaica kung gaano karesponsableng ama si Josel.

"'Yung panganay namin, siya po talaga 'yan naghahatid-sundo," pagbahagi ni Jaimaica. "Siya po 'yung nag-aararo ng palayan para po mataniman namin ng palay."

Plinano na rin nina Josel at Jamaica na magpakasal pero iniisip nila na sayang ang kanilang gagastusin. Kaya para makatipid, nagpalista sila sa Kasalang Bayan noong 2024.

Ngunit dalawang buwan bago ang kanilang kasal, biglang nagkasakit si Josel, na inakala nila noong una ay dahil lamang sa pagkapagod sa trabaho.

"Bigla po siya nagpawis kahit po naka-electric fan o naka-aircon. Para siyang hinihingal na po tapos nag-palpitate 'yung heart niya," kuwento ni Jamaica. "Nahihirapan na po siya maghinga."

Kahit may masamang nararamdaman, nagpatuloy lang si Josel sa kaniyang trabaho hanggang sa bumigay na ang kaniyang katawan at dinala siya sa ospital. Dito na nagtuklasan na nakaranas siya ng "thyroid storm" na sanhi ng hyperthyroidism.

Habang nasa ospital, na-comatose si Josel, at kinailangan niyang lagyan ng "tubo."

Paliwanag ni Dr. Jim Paulo Sarsarat, isang Endocrinologist, ang hyperthyroidism ay isang autoimmune disease na nati-trigger ng immune system na maaaring dulot ng genetics, stress, smoking, o viral infections.

"Ang mga sintomas ay labis na pagpapawis o pagkabog ng dibdib, pangangayat or weight loss. Panginginig ng mga kamay at madalas na pagdumi o diarrhea," sabi ni Dr. Sarsagat.

Matapos ang dalawang buwan mula nang ma-comatose, nagising si Josel pero hindi na siya makapagsalita, hindi makakilos, at wala nang naalala.

"Nang dahil sa malubhang pagtaas ng thyroid hormone ni Josel o tinatawag nating thyroid storm, siya ay nagkaroon ng pamamaga sa utak," ani Dr. Sarsarat, na sinabing apektado nito ang pananalita ng pasyante, memorya at panginginig.

Dahil sa matagal na pagkakaratay sa ospital ni Josel, ang kanilang bayarin, umabot sa P1.4 milyon. Kaya naisipan ni Jamaica na ilabas na ng ospital ang kaniyang kabiyak upang sa bahay na lang nila ituloy ng gamutan.

Pag-aaruga kay Josel

Dahil sa kalagayan ni Josel, idinadaan sa nasogastric tube ang kaniyang pagkain. Katuwang rito ni Jamaica ang kanilang panganay na anak na si John Yldrich, na siyang naghahanda rin ng mga gamot na kailangan ng kanilang ama.

Regular din na nililinisan ni Jamaica ang katawan si Josel sa higaan. Hindi nila kasi kaya ng kaniyang anak na buhatin ang kanilang padre de pamilya.

Hindi maiwasan ni Jamaica na maging emosyonal kapag ibinahagi ang ginagawang pag-aalaga sa kaniyang asawa. Mas magiging mahirap umano sa kaniya kung hindi siya tinutulungan ng kanilang anak.

"Ginaayos ko po si Papa. Tinatanggal ko po 'yung unan sa likod niya at inaayos ko po 'yung kumot niya," ani John Yldrich. "Sa mga kaibigan ko po, madalas po kami naglalaro. Ngayon 'yung nagkasakit na po si Papa, hindi na po. Kasi kailangan ko po bantayan Papa ko. Wala pong magbabantay."

Ang bunso naman nilang si Jiezhel, tumutulong upang maiunat ang nanghihina at tumitigas nang mga binti ni Josel.

Magastos sa mga gamot

Ayon kay Jamaica, P10,000 kada linggo ang kailangan niya para sa mga gamot ni Josel. Kaya naman kung ano-anong paraan ng pagkakakitaan ang ginagawa niya. Tulad ng pagtitinda, pagiging delivery rider, at vlogger, na ang pag-aalaga niya kay Josel at mga ginagawa ng bata ang kaniyang content.

"Halos anim na buwan po ako nag-vlog. Araw-araw ko po kung ano 'yung ginagawa ko, ng mga bata, kung ano 'yung ginagawa ko sa asawa ko," pahayag niya.

Laking tuwa raw ni Jamaica nang makatanggap siya ng una niyang kita sa kaniyang pagiging vlogger na nagkakahalaga ng P5,000.

Ngunit sa hindi niya malamang dahilan, biglang hindi na niya magamit ang kaniyang vlog. Wala naman daw abiso sa kaniya ang Meta sa posibleng patakaran na kaniyang nalabag o baka may ibang nag-report o inireklamo ang kaniyang account.

Sa kabila ng paghihirap, umaasa si Jamaica na gagaling si Josel at babalik ang kaniyang alaala.

"'Yung sa linya ng mag-asawa 'yung, 'sa hirap at ginhawa magkasama tayong dalawa.' 'Yun ang pinanghahawakan kong salita," ani Jamaica.

"Importante po sa akin na sana maalala niya muna 'yung nakaraan namin bago kami magpakasal kasi s'yempre mas mararamdaman natin, 'di ba? Kasi mas malalaman niya na mahal namin 'yung isa't isa nung una bago sana kami magpakasal," dagdag niya.

Kumpara noong nakaraang taon, mas maganda na ang kalagayan ni Josel ngayon, ayon sa doktor.

"'Yung fact na dati siyang halos walang galaw, walang response, tapos ngayon 'yung nakikita n'yo na gumagalaw, medyo lumalakas na 'yung galaw ng kamay, in a way, may progress," saad ni Dr. Ruth Estimar, isang Ears, Nose, and Throat Specialist.

Sa nalalapit na Araw ng mga Puso, ang mensahe ni Jamaica kay Josel, "Lumaban ka pa rin, kasama ka pa rin namin ngayon. Hiling ko lang sana magtuloy-tuloy na gumaling ka na. Kasi hirap na hirap na ako dito mag-isa," Jamaica said. "Hindi ko na talaga alam. Nilalakasan ko na lang ang loob ko para sa 'yo at para sa mga bata. Sana makilala mo na kami. Sana mag-respond ka na 'pag kausapin ka na namin ng mga anak mo."

Sa mga nais tumulong, maaaring magpadala sa:

RCBC Branch: 0378, Puerto Princesa City, Palawan
Account Name: Jamaica Sali Jarin
Account Number: 9047800892

—FRJ GMA Integrated News