Si mister, nais lang sana na magkaroon ng dalawang anak dahil alam niyang mahirap buhayin ang malaking pamilya. Pero si misis, nais naman ang maraming anak hanggang sa ang kanilang mga supling, umabot sa 21. Alamin ang kaniyang kuwento.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng misis na si Kingking, taga-Sorsogon City, na 16-anyos lang siya nang magtanan sila ng kaniyang mister na si Romel.
Ang pag-aasawa nang maaga, paraan ni Kingking noon para makaalis sa kaniyang magulong pamilya lalo pa't palaging umiinom umano ang kaniyang ama.
Sa kanilang pagsasama, sinabi ni Romel na plano niya na noon na magkaroon lang ng dalawang anak dahil batid niya na mahirap buhayin ang malaking pamilya.
Ngunit iba ang nais ni Kingking na gusto ang maraming anak dahil sa marami rin ang mag-aalaga sa kanila kapag tumanda na.
Hanggang sa umabot na nga sa 21 ang kanilang mga naging anak. Sa edad ni Kingking ngayon na 50, ang bunso nila ni Romel ay limang-taong-gulang lang, habang ang panganay, 33-anyos.
Ayon kay Kingking, taon-taon siya noon kung manganak.
"One month manganak tapos buntis na naman ako," saad niya.
Bagaman may mga nagbibiro sa dami ng kanilang anak, pag-amin ng mag-asawa, hindi biro ang pagkakaroon ng maraming anak.
Aminado si Romel na isang mangingisda, na kahit anong sipag niya sa pagtatrabaho, kulang pa rin para matustusan ang kanilang pangangailangan.
May iniinda na rin siya sa kaniyang katawan pero hindi siya makapunta sa duktor para magpasuri dahil sa kawalan ng pera.
Paglalako naman ng isda ang pinagkakakitaan ni Kingking.
Nakatira ang pamilya sa isang maliit nilang tahanan sa Barangay Bucalbucalan. Nagsisiksikan sila sa loob ng bahay kapag natutulog.
Wala silang kuwarto at wala ring sariling banyo kaya ang public CR ang kanilang takbuhan kapag tinawag ng kalikasan.
Ang pagkain, ginagawan na lang nila ng diskarte para mapagkasya sa kanilang lahat.
Sa 21 anak, napag-alaman na apat sa mga ito ay namatay habang sanggol pa lang dahil kulang sa buwan at nutrisyon.
May isa pang sanggol na edad mahigit isang taon ang namatay din nang mahulog sa duyan.
Sa ngayon, 15 anak pa ang itinataguyod ng mag-asawa.
Dahil lumaki sa mahirap na buhay si Kingking, pakiramdam niya, hindi siya nakawala sa kahirapan dahil sa sitwasyon nila ngayong mag-asawa.
Ngunit ang naging sitwasyon ni Kingking, tila naipapasa na rin sa ilan sa kaniyang mga anak, na sa murang edad din ay nagkakaanak na.
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento ng pamilya nina Kingking at Romel, at alamin ang kahalagahan nang pagkakaroon ng maayos na pagpaplano ng pamilya. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News