Nagluluksa na may halong takot ang isang pamilya sa Kabuntalan, Maguindanao del Norte matapos pumanaw ang isang kaanak nilang bata na pinaniniwalaan nilang kagagawan ng "Mening" o aswang. Pero ang ilang eksperto, naniniwala na natuklaw ng makamandag na ahas ang biktima.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood sa video ang sinapit ng tatlong-taong-gulang na batang lalaki na si Nas, na halos mangitim ang buong magkabilang binti.

Isinalaysay ng mag-asawang sina Sandy at Norhaina Lumenda, na gabi ng Pebrero 27, nang magreklamo ang anak nilang si Nas ng pananakit ng binti.

Dahil madilim at wala silang kuryente, humingi ng tulong si Norhaina sa hipag. Nang ilawan nila si Nas, nagulat sila na halos mangitim na ang binti at hita nito dahil sa pasa.

Ang lolo naman ni Jerry Lumenda, nanlaki ang mga mata dahil sa kaniyang nakita na tatlong anino na umaali-aligid umano sa kaniyang apo – isa sa ulunan habang ang dalawa ay malapit sa pinto.

Sinundan umano ni Jerry ang mga anino ngunit lumusot daw ang mga ito sa pader.

Nakatitiyak siya na ito ang kinatatakutan sa kanilang lugar na mga nilalang na kung tawagin ay "Mening." Kaiba sa mga mga aswang na lumilipad, sa lupa lang nagpapakita at umaatake ang mga mening at lumalabas lang tuwing umiinit.

Kutob ni Jerry na kagat ng mening ang dahilan ng pangingitim ng mga binti ni Nas.

“Pinaabot pa namin ng umaga bago dinala... kasi madilim at malayo kami,” sabi ni Jerry.

Dinala ng pamilya ni Nas sa albularyo ang bata. Pero hindi sila kumbinsido sa sinabi ng albularyo.

Nang sandaling iyo, hindi pa rin humuhupa ang pangingitim ng binti ng bata kaya gusto na ng amang si Sandy na dalhin ito sa doktor.

Sa kasawiang palad, hindi na kinaya ni Nas ang kaniyang kalagayan at pumanaw na ito bago pa man sila makaalis.

“Masakit din sa amin ang pagkawala ng anak namin,” sabi ni Norhaina.

“Tuwing naaalala namin para kaming hindi pa naka-recover. Maaalala lalo pa kapag marinig ko ‘yung pangalan niya,” sabi ni Sandy.

Alinsunod sa kanilang relihiyong Islam, inilibing agad si Nas.

Habang inihahanda ang kaniyang mga labi, may nakitang maliit na sugat na tila kagat sa hita ng bata.

Sa pahintulot ng pamilya, ipinakonsulta ng team ng KMJS sa isang doktor ang nakuhanang video tungkol sa sinapit ni Nas.

Ayon sa sumuri, posibleng namaga ang mga binti ng bata dahil sa kagat ng isang makamandag na ahas.

Ito rin ang kutob ng albularyo na nauna ng tumingin sa bata.

Masukal man ang kanilang lugar, iginiit ng mag-asawa na wala pang nakaka-akyat na ahas o ibang hayop sa kanilang bahay.

“So, kung makikita ko lang po ang isang bata may lagnat, hirap huminga at may pasa-pasa, marami pong possible causes. Puwede pong nagkaroon ng infection ‘yung bata, nagkaroon ng sepsis. Puwede din po ‘yung tinatawag na allergy natin, or anaphylactic shock,” sabi ni Dr. Noreen Valino Esmino - Florendo, FPPS, isang pediatrician.

“Nagka-allergy siya sa isang bagay, nahirapang huminga. Sometimes, 'yung mga allergy, 'yung namamaga, puwede rin nagkakaroon ng fever. 'yung isa pa po is 'yung trauma na nag-cause ng pasa-pasa po sa bata,” dagdag ni Florendo.

Mariin namang nilinaw ng pamilya na pinapalo nila ang bata kaya ito nagkapasa.

Ang kapulisan, sinabing wala ring foul play na nangyari sa pagkamatay ni Nas.

Sa kabila nito, patuloy na naninindigan ang pamilya ni Nas na mening o aswang pa rin ang pumatay sa kanilang anak.

“‘Yung tatay ko, hindi naman ‘yun magsisinungaling sa nakita niya. Lalo na kung apo pa niya ‘yung namatay,” sabi ni Sandy. -- FRJ, GMA Integrated News