Kung hirap makatulog ang mga may insomnia, ang narcolepsy naman ay kondisyon na ang epekto ay labis na pagkaantok. Ang taong may taglay nito, puwedeng makatulog o mawalan ng malay kahit pa naglalakad.
Sa video ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, makikita ang estudyanteng si Jan Melanie Tarrega, na naglalakad pauwi sa kanilang bahay nang bigla na lang siyang natumba sa daan.
Mabuti na lang na nakita kaagad siya ng kaniyang mga kapitbahay na pinagtulungan siyang buhatin para maiuwi.
Ayon kay Tarrega, hindi niya namalayan na natumba siya at nagising na lang siya na nasa bahay na.
Nagtamo siya ng galos at pasa sa noo dahil sa kaniyang biglang pagkatulog, bunga ng kaniyang kondisyon na narcolepsy.
Sinabi ni Tarrega na apat na taon nang nangyayari sa kaniya ang biglang nakakatulog o nawawalan ng malay sa daan o kaya naman ay habang nag-aaral.
Paliwanag ni Dr. Vincent A. Manuel, MD, Internal Medicine-Mental Health, ang narcolepsy ay isang neurological disorder na nagkakaroon ng sobrang antok ang isang tao.
"Minsan kasama rin nito ang tinatawag na cataplexy. Ang narcolepsy ay more of genetic factor, maaari din itong magmula sa stress at anxiety," sabi niya.
Patuloy ni Manuel, nangyayari ito kapag mayroong kemikal sa utak na tinatawag na hypocretin o orexin, na nawawala. Ang naturang kemikal ang kumokontrol ng tulog at paggising ng isang tao.
Ipinayo ni Manuel na dapat ikonsulta sa mga espesyalista, gaya ng neurologist o sleep specialist, kung may ganitong kondisyon para sumailalim sa masusing pagsusuri.
Ayon kay Tarrega, hindi pa siya nakakabalik sa duktor para magpatingin dahil may kamahalan ang gastos sa therapy.
"Pinag-iipunan din po talaga namin 'yon," sabi niya.
Dahil hindi niya alam kung kailan at saan siya aatakihin ng narcolepsy, ipinagdadasal lang niya na sana ay nasa ligtas siyang lugar na walang masasamang tao kapag bigla siyang natumba.-- FRJ, GMA Integrated News