Mula sa pagiging agricultural engineer, hindi inakala ng isang babae na ang simpleng pag-live selling niya ng kaniyang mga alahas noong panahon ng pandemya ang magdadala sa kaniya sa kinang ng tagumpay. Ang negosyong sinimulan niya na walang puhunan, kumikita na ngayon ng seven digits kada buwan.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang mga diyamanteng ibinibenta ni Charo Cordial, may-ari ng Maddox Jewelry.

Kabilang sa ibinibenta ni Cordial ang mga hikaw, necklace, bracelet, singsing, at iba pang mga alahas na gawa sa natural diamond o diyamanteng namina sa lupa.

Mayroon din silang lab-grown diamond o mga ginagawa naman sa laboratoryo.

Gayunman, mas mababa umano ang presyo ng mga itinitinda niyang diyamante.

Ang pinakamura niyang ibinibenta, ang stud sa halagang P1,997. Ang heart-shaped earings naman ay nagkakahalaga ng P3,998, at singsing na P7,997.

Ngunit bago naging matagumpay, gumapang muna sa hirap si Cordial, na isang probinsyana at pinalaki ng mga magulang na magsasaka.

Nang makapagtapos ng pag-aaral, lumawas siya ng Maynil at nagtrabaho ng 15 taon.

“Ang tanong nga sa akin ng ibang tao, paano nangyari na isang engineer ako sa isang international company ng mga machinery na punta ako sa luxury ng alahas. So ang layo ng diperensya,” kuwento ni Cordial.

Ayon sa kaniya, nagsimula siya sa pagbebenta ng alahas noong pandemya. Dahil nakulong sa bahay, naghanap siya ng mga makakausap.

“Nakikita ko kasi may mga nag-live sell, live sell. Sabi ko, subukan ko kaya. Natuwa ako kasi noong nag-live sell ako, may nanonood sa akin tapos may kausap ako. Ang binebenta ko noon, mga personal na alahas ko. Personal na bag, ‘yung mga used na bag ko,” kuwento niya.

Dahil mga sariling gamit ang kaniyang itinitinda online, mistulang walang inilabas na puhunan si Cordial.

“Wala talaga kaming puhunan. Zero. Noong nag-live sell na ako after how many months, may isang taong kumontak sa akin. Papadalhan daw niya ako ng different varieties ng alahas, natural diamond, ibenta ko online. Sabi ko naman, sige. Pero doubt na ako noon, iniisip ko, ‘Totoo ba ‘to?’ Kasi mataas ang amount nu’n. So, ginrab ko siya kasi wala naman talaga akong pera,” patuloy niya.

Nagtagumpay naman si Cordial na maibenta ang lahat ng alahas at nabayaran niya ang kaniyang supplier. Doon na nagsimulang kuminang ang karera niya bilang live seller ng mga alahas.

Matapos ang halos limang taong pagbebenta ng alahas, nakapagpundar na siya ng bahay at mga sasakyan, at napag-aral sa private school ang mga anak.

Nakakabiyahe na rin sila sa abroad, at nakapagbukas ng tindahan. Mayroon na siya ngayong halos 100 empleyado at 50 resellers, na maaari ring magsimula na walang puhunan.

“So from there, gusto ko silang matulungan na may mga tao kasi na mga mommy, na mga walang puhunan, na gusto mag-umpisa, puwede sila rito sa amin,” sabi ni Cordial.

Kahit na marami na siyang katuwang sa pagpapatakbo ng negosyo, si Cordial pa rin ang humaharap sa live selling dalawang beses kada linggo.

Nasa seven digits ngayon ang kaniyang neto kada buwan.

“Ang buhay, lahat naman may hirap. Pero kung nahirapan ka, ituto ka. Kung ano ‘yung mali mo, ayusin mo. Kung ano ‘yung dapat mong gawin, i-improve mo,” sabi ni Cordial. -- FRJ, GMA Integrated News