Isa sa mga binibiling souvenir ng mga turistang nagpupunta sa Guimaras ang mga kuwintas at key chain na may palawit na kapirasong pinutol na baging na tinatawag na "sinuku-an." Ang baging kasi, may imahe na tila krus sa gitna at pinaniniwalaang may dalang suwerte.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing bukod sa pinaniniwalaang milagroso at naghahatid ng suwete, sinasabing nakagagaling din ng sakit ang langis na pinakuluan na kasama ang sinuku-an.Si Desirie Zaragosa, ikinuwento na 10-anyos lang siya nang isama siya noon ng kaniyang ina na si Daisy na magtinda ng mga key chain at kuwintas na may palawit na sinukuan sa Our Lady of the Philippines Trappist Monastery sa bayan ng Jordan.Sila ng kaniyang ama na si Jomarie ang kumukuha ng mga sinuku-an sa gubat. Pero kailangan daw na magpaalam muna bago kumuha nito dahil hindi basta- basta puwedeng kumuha nito sa pinaniniwalaan nilang "bantay."Nang makita na nila ang pakay na baging, pinutol ito ni Jomarie sa maliliit na piraso at saka iniuwi. Si Desirie naman ang nag-asikaso sa mga baging upang gawin niyang palawit sa kuwentas o key chain.Ang pamilya raw ni Desirie ang magpapatotoo na may dalang suwerte ng sinuku-an. Mula kasi sa mahirap nilang pamumuhay noon bilang isang mangangaso ang ama, unti-unti raw guminhawa ang kanilang buhay dahil sa pagtitinda nila ng sinuku-an na inumpisahan ng kaniyang ina."Ang mama ko nakita niya yung sinukuan, curious din siya bakit may krus nga. I-try daw naming itinda sa Trappist," ayon kay Desirie.Ang kanilang tinda, tinangkilik ng mga turista. At sa Holy Week, umaabot umano sa P10,000 ang kanilang kita.Dahil sa benta sa sinuku-an, naipatayo ng kaniyang ina ang kanilang bahay na kahit maliit lang ay hindi naman daw sila nababasa.Nang pumanaw si nanay Daisy nitong Enero, si Desirie na ang nagpatuloy sa kanilang negosyo."Kung wala yung sinuku-an, hindi namin alam kung ano ang buhay namin ngayon," saad niya.Si Mimi na bumili naman ng key chain na sinuku-an noong 2017 nang makarating siya Guimaras, sinuwerte rin sa trabaho at sa kaniyang pamilya.Nakaipit ang kaniyang sinuku-an sa wallet, at hinahawakan niya kapag kailangan sa kaniyang paghahanap-buhay. Bukod sa nakapagpundar na siya ng tirahan at sasakyan, natupad din ang hiling niya na magkaroon ng anak na lalaki.Pero saan nga ba nag-ugat ang kuwento ng sinuku-an, at bakit may tila krus ito sa gitna? Bakit umaalma rin ang mga katutubo sa pagbebenta ng iba sa naturang baging na dito lang pala sa Pilipinas makikita? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News