Pinaglumaan man ng panahon, naging bahagi pala sa kasaysayan ng Pilipinas ang tansong rebulto na makikita sa Intramuros, na dating reyna ng Espanya noong panahon sakop nila ang Pilipinas.Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing rebulto ng isang eleganteng babae na gawa sa tanso ang imahen ay si Queen Isabela II, na naging reyna ng Espanya mula noong 1833 hanggang 1868.Unang itinayo ang naturang rebulto sa Arroceros, na tinatawag na ngayong Liwasang Bonifacio. Ngunit nang mapatalsik sa trono si Queen Isabela, nawala na rin sa kamalayan ng mga Pinoy ang kaniyang monumento.Gayunman, itinago ng kaniyang mga tagasuporta sa Pilipinas ang kaniyang rebulto, at nanatili sa simbahan ng Malate sa Maynila ng mahigit 70 taon.Ngunit nang bisitahin ng I Juander sa Malate Church kasama ang historyador na si Diego Gabriel Torres, wala na roon ang rebulto ng reyna. Sa halip, ang imahen na ng patrona ng Malate na si Nuestra Señora de los Remedios ang makikita.Noong 1970, naging biktima ng bagyo ang rebulto ni Queen Isabela II. Mapapansin na rin ang mga biyak sa bagong rebulto, na ginawa pang tulugan ng ilang tao.Sa pagsiyasat pa ng team at sa tulong na rin ng eksperto sa kasaysayan, natunton ang rebulto ni Queen Isabela II sa labas ng isang bahagi na batong pader sa Intramuros.Gayunman, wala na ang kinang at kulay lumot na ang dating engrandeng rebulto ng reyna. Pero napalilibutan pa rin ito ng rehas na bakal bilang proteksyon na rin sa mga magtatangka ng masama dahil gawa ito sa tanso na puwedeng pag-interesan.Bumisita noong 1974 ang noo’y Prinsipeng si Juan Carlos ng Espanya, at muling itinayo ang monumento ni Queen Isabela II sa harap ng dating gate ng Intramuros na siya ring ipinangalan sa reyna.Sa pagbisita sa Pilipinas ni Queen Sofia ng Espanya noong 2012, nag-alay pa siya ng bulaklak sa rebulto ni Queen Isabela II.At isa sa malaking ambag ng pamamahala ni Reyna Isabella sa mga Pinoy--ang edukasyon.“Actually, isa sa mga hindi na alam ng normal ng mga Pilipino is that it was during panahon ni Isabel II, 1850s, na in-implement ‘yung first public school system ng Pilipinas. Nagkaroon ng primary education, secondary education,” sabi ni Torres.Kaya naman maituturing “mother” ng public education system sa Pilipinas si Queen Isabela II. -- FRJ, GMA Integrated News