Humalo sa ulan ang luha ng isang dalagang tindera ng mani sa Quezon City, nang itaob namg malakas na hangin at mabasa sa ulan ang paninda niyang mani. Napag-alaman na bagong salta lang siya sa Maynila at nakipagsapalaran upang matulungan ang iniwan niyang pamilya sa probinsiya.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na wala nang nagawa si Nicka Jean Palis, 20-anyos, kung hindi magpakabasa na rin lang sa ulan dahil hindi niya malaman kung papaano pa maisasalba ang natapon niyang panindang mani kung saan nakabase sa kaniyang benta ang kaniyang kikitain sa isang araw.

Sa video, madidinig ang tinig ng isang lalaki na pinapasyuhan siya na tanggapin na lang ang nangyari at huwag na siyang umiyak dahil gawa ng kalikasan ang nangyari.

"Sorang lakas po ng hangin kaya natumba yung payong, nataob yung kariton ko," ayon kay Nicka Jean.

Ilang kilo ng mani ang natapon at hindi na mapapakinabangan dahil nababad na rin sa tubig bunga ng ulan.

Maaraw naman nang sandaling iyon nang bigla raw umulan na may kasamang malakas na hangin kaya hindi niya kaagad nailipit ang kaniyang paninda.

Ayon kay Roldan Siervo, kasamahang tindero ni Nicka Jean, hindi sila talaga kaagad na nagliligpit ng paninda sa ganung pagkakataon dahil inakala nilang saglit lang ang pag-ulan.

Tumulong naman ang uploader sa pagpulot ng gamit ni Nicka Jean.

Hindi naman daw siningil ng amo kay Nicka Jean ang natapon na mga mani pero wala siyang kinita nang araw na iyon. Nakadepende kasi ang kaniyang bayad o sahod ang dami ng kaniyang maibebentang mani.

At nang mangyari ang insidente, wala pa siyang naibebenta.

Tubong-Zamboanga del Norte si Nicka Jean, na nakipagsapalaran sa Maynila para matulungan ang kaniyang mga magulang at limang kapatid na nasa probinsiya.

"Sobrang hirap ng buhay naman e. Gusto [nilang] pag-aralan ako pero ako yung nag-decide na ayoko na, gusto ko tumulong na lang," saad niya.

Sa kaniyang pakikipagsapalaran sa Maynila, ang pagbebenta ng mani ang kaniyang naging trabaho.

Sa kabila ng nangyari, positibo pa rin ang kaniyang pananaw na kaya niyang lampasan ang anumang bagyo sa kaniyang buhay basta tuloy lang sa pagsisikap.-- FRJ, GMA Integrated News