Nagulat ang isang lalaki matapos makita mula sa ear camera ang isang itim na insekto na nagpapasakit sa kaniyang tainga sa Malaybalay, Bukidnon. Ang isa namang dalaga sa Pulilan, Bulacan, nanakit din ang tainga nang pasukan naman ng ipis.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing posibleng nagsumiksik ang insekto sa kaliwang tainga ni “Alex,” hindi niya tunay na pangalan, habang mahimbing siyang natutulog sa kanilang bahay noong isang hapon.
Sinubukan niyang remedyuhan ang sumasakit na tainga nang patakan niya ito ng baby oil, na nakita niya online.
“Gumagalaw na 'yung insekto sa loob. Hindi talaga matanggal 'yung insekto kasi sobrang laki,” sabi ni Alex.
Ngunit makaraan ang isang araw, kapit na kapit pa rin sa kaniyang tainga ang insekto. Kaya tinangka niya na itong sungkitin ng cotton buds.
Kalaunan, lumabas ang maliit na bahagi ng insekto. Nang hilahin niya ito, naputol na ito at naiwan pa rin sa loob ang katawan nito.
Nang humingi ng tulong sa kaniyang inang si Juliet Domo, naisip ni Juliet na higupin ito gamit ang straw, ngunit nabigo rin.
Hanggang sa ang binata, hindi na makatulog, iritable at halos hindi na makarinig kapag tinatawag.
Gayunman, tiniis muna ito ni Alex sa loob ng isang linggo dahil walang pambayad sa doktor. Patagilid siya kung mahiga para maibsan ang sakit na kaniyang iniinda.
Samantala, ito rin ang karanasan ng dalagang si Maica na nakaramdam ng kirot sa tainga sa kanilang bahay sa Pulilan, Bulacan.
Tiniis lang muna ni Maica ang sakit noong una at niremedyohan sa pamagitan ng pagpatak ng baby oil.
“Kumakagat-kagat pa po siya habang nilalagyan. Kaya po sumisigaw pa rin po ako,” sabi ni Maica.
“Baby oil 'yung pinaka-safe. Kailangan talaga lunurin 'yung insect. Mas dense ‘yun kaysa sa tubig. So hindi sila makakagalaw at the same time, hindi sila makakahinga. So mamamatay sila in the process. Huwag lang ‘pag butas 'yung eardrum. Baka pumasok sa loob ng eardrum 'yung baby oil,” sabi ni Dr. Ryan Francis Urgel, Ears, Nose, & Throat Consultant, sa East Avenue Medical Center.
Makaraan ang kalahating oras, tila milagro na nawala ang sakit ng tainga ni Maica. Ngunit kinaumagahan, nakaramdam uli siya ng hapdi, kaya sinubukan na itong sungkitin gamit ang tiyani.
Nagulantang na lamang ang pamilya nina Maica nang makuha ang isa palang ipis.
Tunghayan sa video ng KMJS kung ano namang klase ng insekto na pumasok sa tainga ni Alex, at ang kanilang hinala kung saan ito nanggaling. Alamin kung ano rin ang mga dapat gawin para maiwasang may pumasok na insekto sa tainga. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
