Nagkaroon ng bagong buhay ang isang matandang aso nang sagipin siya matapos na makitang sugatan at nanghihina sa isang tambakan ng mga basura sa San Mateo, Rizal.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang ilang larawan ng aso na isang French Bulldog, na hinang-hina, lagas na ang balahibo, at may malaking sugat na inuuod na.

Agad naisugod sa beterinaryo ang aso sa tulong ng isang dog rescuer. Pero dahil malala ang kalagayan ng aso, ini-refer ito sa mas malaking ospital.

Tumulong ang NGO na Pawssion Project upang matustusan ang pangangailangan ng aso na kanilang pinangalanang si "Frenchy."

“Medyo may edad na rin si Frenchy, so most likely, she could have just been used for breeding. It’s very common. Dogs with breed, specifically female dogs, when they’re no longer useful, when they’re old na, siyempre imbes na makapagbigay sila ng kita, gastos pa ang ibibigay nila. ‘Yun, itinapon na lang siya,” ayon kay Malou Perez, Founder ng Pawssion Project Foundation Inc.

Sa pagdaan ng ilang linggo, isinailalim si Frenchy sa gamutan at binantayan nang husto ng mga doktor at nurse.

Kalaunan, unti-unting nanumbalik ang kaniyang lakas at ang gana sa pagkain.

Nagbayanihan din ang mga dog lovers para sa gagastusin sa pagpapagamot ni Frenchy.

Nang bumuti na ang kaniyang kalagayan, nakauwi na si Frenchy sa kaniyang pansamantalang tirahan sa seniors home ng Pawssion Project sa Metro Manila, at patuloy na tumatanggap ng medikasyon, ayon kay Perez.

Kahit na patuloy ang kaniyang gamutan, pumayag ang doktor na mailabas sa ospital si Frenchy upang makatipid ang rescuers sa kaniyang daily boarding.

“It didn’t take long until Frenchy was very comfy. Without the wound, you wouldn’t even think she’s a sick dog because she is very active. But what I’ve noticed is that every time she poops, she would really go back to her cage and parang magfe-face the wall siya na parang she feels very sorry kasi nag-poop siya. Sobrang kawawa. She must have gone through so much trauma. Probably pinagagalitan siya dati ‘pag nagpu-poop siya,” sabi ni Perez.

Nag-commit na ang rescuer ni Frenchy na siya ang mag-a-adopt sa aso.

Nasa 800 na rescue animals ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng Pawssion Project.

Umaasa ang organisasyon na mabibigyan din ng atensyon at tulong ang iba pang asong nakaranas ng pagmamaltrato.-- FRJ, GM Integrated News