Kinaaliwan ng netizens ang mga video nina "Nanay Aida" at "Tatay Selo," na kung ano-ano ang mga pambihirang ginagawa at kung saan-saan nakararating kahit pa sa outer space. Sino nga ba sila? Alamin.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang ilan sa mga ginawang video na makikita si Nanay Aida, kabilang ang paglipad niya at pagtakbo kasama ang mga dinosaur.Nagpaunlak ng "panayam" si Nanay Aida sa "KMJS" team at nilinaw na hindi siya totoong tao kung hindi produkto ng teknolohiya na tinatawag na AI o Artificial Intelligence.Ang tunay na tao na nasa likod ng paglikha kay Nanay Aida, nakilala na si Richard "Chad" Beltran, na taga-Benguet. Produkto ng app na tinatawag na Veo 3 na text- to-video si Nanay Aida, ayon kay Beltran. Nalikha si Nanay Aida sa pamamagitan ng prompt o instruction na itina-type ni Beltran, pati na ang kung ano ang nais niya maging eksena sa video.Kapag pinindot na ang video generate button, lalabas na ang produktong likha ng AI na gustong makita ni Beltran.Paliwanag ni Beltran, una siyang gumawa ng video AI upang paalalahanan ang netizens na maging mapanuri sa kanilang napapanood o nakikita sa internet.Hanggang sa maisipan niyang gumawa ng matandang karakter na AI na naging daan sa pagkakalikha kay Nanay Aida. Matanda ang napili niyang karakter dahil ang mga may edad umano ang higit na madaling mapaniwala sa mga nakikita sa internet.Ipinaliwanag din ni Beltran na napili niyang Aida ang gamiting pangalan ng matandang karakter dahil AI ang unang dalawang letra sa pangalan nito.Sinabi rin ni Beltran na walang siyang pinagkopyahan ng mukha ni Nanay Aida at purong gawa ng AI ang naging hitsura nito.Papaano nga ba nagagawa ng AI ang imahinasyon ng mga karakter at maging ang ginagawa ng mga ito? Panoorin ang buong report at kilalanin ang iba pang AI character na nalikha gaya ni Tatay Selo at sino ang may karapatan sa AI character kung sakaling may kokopya nito? Alamin.-- FRJ, GMA Integrated News